Bukas ang pintuan sa mga gustong makakuha ng poste bilang MLBB coach o analyst para sa ECHO sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines (MPL PH). Ito ay karugtong ng anunsyo ni Michael “Coach Arcadia” Bocado sa kaniyang social media page.

“Looking for an MLBB coach or analyst! Send me your esports resumes so I can review them directly,” sulat ng ECHO head coach sa Facebook.


Kampanya ni Coach Arcadia at ng ECHO sa MPL PH Season 9

Credit: Coach Arcadia

Matapos ang early exit sa MPL Philippines Season 8 playoffs, hindi nagpatumpik-tumpik ang ECHO sa offseason kung saan kinuha ng team ang serbisyo ng ilan sa mga pinakamatutunog na pangalan sa Pinoy MLBB eksena.

Kabilang sa kanilang mga bagong recruit ang superstar jungler at M2 World Champion na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno mula Bren Esports , star tank/roamer na si Tristan “Yawi” Cabrera mula Nexplay EVOS, at TNC Pro Team ML standout na si Frediemar “3MarTzy” Serafico sa offlane.

Credit: MPL Philippines

Hindi binigo ng trio katuwang ang kapwa superstars na si Benedict “Bennyqt” Gonzales at Jankurt “KurTzy” Matira ang miron dahil maagang nagbaga ang ECHO kung saan inilista nila ang 5-0 win-loss record, ang pinakamagandang simula ng isang team sa Season 9.

Ito rin ang dahilan kung bakit binansagang Super Team ng MPL ang koponan ni Coach Arcadia.

Gayunpaman, unti-unting nanlamig ang koponan sa ikalawang bahagi ng season kung saan nahulog ang koponan sa 0-5 bangin. Bigo ang team na makuha ang 1st place sa standings matapos magkakasunod na biguin ng kalaunan ay kampeon na RSG Philippines, ONIC Philippines, Bren Esports, TNC Pro Team ML at Nexplay EVOS.

Credit: MPL Philippines

Nagtala ng desenteng 8-6 record ang ECHO sa MPL PH S9 regular season, sapat para maging 3rd place sa standings.

Sa pagkuha ng bagong coach o analyst na makakatuwang ni Coach Arcadia, susubukan ng ECHO na manatiling dominante sa Season 10 lalo pa’t ito ang magdidikta ng teams na lalahok sa M4 World Championships sa Enero sa susunod na taon.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports sa Facebook.

BASAHIN: Listahan ng roster changes sa MPL PH Season 10