Habang patuloy na pinapatag ng Blacklist International ang daan papunta sa kanilang ikalawang sunod na Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines kampyonato, mas nagiging kalkulado ang bawat atake ng mga kupunan kontra sa defending champions.

At kung tatanungin ang Blacklist Coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza kung sino ang team sa MPL na pinaka-makakasabay sa atake ng kaniyang kupunan, RSG Philippines ang mabiis niyang tugon.


Pinakamalaking banta sa Blacklist ang RSG PH ayon kay BON CHAN

Credit: MPL Philippines

Sa isang panayam kasama ang ONE Esports Philippines, binigyang diin ni Coach BON CHAN ang kakayahan ng RSG PH na matapatan sila ngayong Season 8.

Aniya, “RSG PH ang pinaka-makakasabay samin. Alam ko kaya nila kami.”

Bagamat hindi umubra ang RSG PH kontra sa kupunan ng Tier One sa kanilang Week 4 matchup kung saan pinaluhod ng defending champs ang rookie team sa 2-0 sweep, hindi nagpapakampante ang Blacklist Coach.

Credit: MPL Philippines

Dagdag niya ” Medyo intimidated lang siguro sila nung una naming pagtatapat kaya ganoon ang nangyari.”

Bago pa man magsimula ang Season 8, bukambibig na ni BON CHAN na dapat bantayan ang bagitong team ngayong season.

Hindi nagkamali ang beteranong coach kung pagbabasihan ang ipinapakita ngayon ng kupunan ni Coach Brian “Panda” Lim.


Mainit ang RSG PH bago ang rematch sa Blacklist

Credit: MPL Philippines

Matapos ang Week 4 pagkatalo ng RSG PH sa Blacklist, mistulang nanggigil lalo ang rookie team na ngayon ay may hawak ng tatlong sunod na series panalo.

Dinispatya ng kupunan ni Coach Panda ang TNC Pro Team ML at ang Kings of Southeast Asia na Smart Omega sa malilinis na 2-0 sweeps, habang pinaluhod naman nila ang ECHO sa 2-1 series win para iselyo ang solo 3rd place sa standings.

Ngunit bago pa man mabuo ang winning streak na ito, nakilala na din ang RSG PH bilang “The Kingslayers” dahil sa kakaibang galawan na ipinapakita nila kontra sa mga bigating teams sa MPL.

Credit: RSG Philippines

Ngayong kargada ang rookie team ng nagbabagang momentum na ito, mababago ba nila ang tadhana? Mapapatumba na ba nila sa wakas ang may-ari ng korona?


Abangan ang mga susunod na balita tungkol sa rivalry na ito sa pamamagitan ng pag-like at follow sa official Facebook page ng ONE Esports PH!