Opisyal nang ipinakilala ng Team Outplay, ang kinatawan ng North America Challenger Tournament (NACT) para sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023), ang kanilang listahan ng mga manlalaro, kabilang na ang isang interim coach na may malawak na karanasan sa larangan ng MLBB sa Southeast Asia, si Steve “Coach Dale” Vitug.

Bilang isang coach, mayroon na siyang malawak na karanasan sa pamamahala ng mga koponan sa ilang bansa sa Southeast Asia bukod sa Pilipinas.

Narito ang roster ng Team Outplay para sa MSC 2023:

  • Seong-hun “Hoon” Jang – Mid Lane
  • Peter “Basic” Lozano – Glod Lane
  • Oscar “SHARK” Vo – Roamer
  • Rainiel “URESHIII” Logronio – EXP Lane
  • Bestplayer1 – Jungler
  • Rein Francis “Promise” Alalay – EXP Lane
  • Steve “Coach Dale” Vitug – Interim Coach
Coach Dale Team Outplay roster for MSC 2023
Credit: Team Outplay

Ang pagpasok ni Coach Dale bilang isang interim coach ay nagpapahintulot sa Team OP na matupad ang mga requirements na itinakda ng Moonton sa MSC rule 3.1.1 na nagsasabing: “Each team is required to retain at least 7 members, including one coach, five starters, and one substitute, throughout the tournament.”

Ang pagiging handa ng Team OP ang nagbigay sa Moonton ng dahilan upang ibigay sa kanila ang pagkakataon na makuha ang slot na lumahok sa MSC 2023 matapos maideklara na hindi kayang tuparin ng mga tinanghal na kampeon ng NACT Spring 2023 na BloodThirstyKings ang mga nasabing requirements.

Ambag ni Coach Dale sa Outplay pagdating sa MSC 2023

Coach Dale Team Outplay MSC 2023
Credit: Team Outplay

Sa kasalukuyan, si Coach Dale ay isang coach ng MPL MY S11 team, ang HomeBois. Gayunpaman, dahil hindi nakakuha ng slot ang kanyang koponan sa MSC 2023 sa Cambodia, siya ay inimbitahan na pamahalaan ang Team OP sa nasabing kompetisyon.

Bagama’t bago pa lang siya sumali sa Team OP, malaki ang oportunidad ni Dale na ma-maximize ang kakayahan ng mga players nito. Ito ay dahil may mga manlalaro mula sa Pilipinas na kabilang sa koponan gaya nina Basic at Ureshi.

Bukod dito, dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang isang MLBB coach sa Pilipinas, Myanmar, at Malaysia sa nakaraang tatlong taon, sanay na siya sa pag-handle ng mga bagong karanasan at mga manlalaro.

Sa kabilang banda, may kaalaman na si Dale tungkol sa kakayahan ng ilang miyembro ng kasalukuyang koponan, na siyang mga dating miyembro ng The Valley na lumahok sa M4 World Championship, tulad nina Basic, Shark, at Hoon.

The Valley
Credit: ONE Esports

Sa M4, ang ikaapat na MLBB world championship, ay naging bahagi rin si Dale dahil siya ang nakarehistrong coach ng mga kinatawan ng Myanmar na Falcon Esports, na nagtapos sa 5th-6th place kasama ng The Valley.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.