Aalis na sa puwesto bilang head coach ng TNC Pro Team ML si John Laurence “Lift” Ruiz.

Inanunsyo ito sa isang Facebook post ng TNC Pro Team ML kung saan nagpasalamat ang koponan sa mga inambag ni Coach Lift sa kanilang kampanya sa MPL Philippines Season 8.

Credit: TNC Pro Team ML

Pahayag ng koponan, “Thank you Coach Lift for empowering our players during your time with TNC. Your invaluable lessons will always remain with us. Keep rising up for your dreams, Coach. We wish you the best on your future career!”

Matatandaang utak ang beterano sa koponan ng Work Auster Force na nagpakitang-gilas noong Season 7 bilang mga super rookies, bago ampunin ng TNC sa sumunod na season.

Credit: TNC Pro Team ML

Hindi man naging maganda ang takbo ng kanilang biyahe sa Season 8, may mga pagkakataong nagningning ang TNC sa ilalim ng kaniyang gabay, partikular sa una at huling linggo ng naturang season.


Nagsisimula na ba ang rebuild ng TNC Pro Team ML?

Sa pag-alis ni Coach Lift mula sa TNC, maraming miron ang nagpapalagay na nagsisimula ng buwagin ng koponan ang kanilang roster para mag-rebuild bago sumabak sa MPL Philippines Season 9 sa susunod na taon.

Credit: TNC Pro Team ML

Mababalikan na kailan lamang ay kumalas na rin mula sa grupo ang ilang miyembro ng Season 8 roster na sina Dylan “Light” Catipon, Patrick “P-God” Grecia at Douglas “ImbaDeejay” Astibe.

Credit: TNC Pro Team ML

Kasunod nito, binuksan din ng koponan ang open tryouts nitong nakaraang linggo kung saan nilayon ng team na makakuha ng mga prospects bilang paghahanda sa parating na season.