Binigyang-buhay ng Smart Omega ang kanilang pag-asa na makapasok sa playoffs ng MPL Philippines Season 9 matapos nilang walisin ang karibal na Nexplay EVOS, 2-0, sa huling laban ng Week 7 Day 2.

Kailangang-kailangan ng Omega ang panalong ito dahil wala na sa dalawang linggo ang natitira sa regular season ng tumatakbong liga, na ayon kay coach Jomie “Pakbet” Abalos ay ang pinakamahalagang season para sa koponan.


Ang dahilan kung bakit nasabi ni Coach Pakbet na pinakaimportante para sa Smart Omega ang MPL PH Season 9

Credit: MPL Philippines

Matapos kumpletuhin ang season sweep kontra Nexplay EVOS, tumalon ang Smart Omega sa No. 6 ng standings hawak-hawak ang 13 points, liyamado ng isang puntos sa Blacklist International.

Dahil malalaglag ang bottom two teams sa pagtatapos ng regular season at ilang matches na lang ang natitira para sa OMG, sinabi ni Coach Pakbet na kailangan talaga nilang seryosohin ang bakbakan laban sa NXPE.

“Parang wake-up call na namin ‘to kasi ilang matches na lang kami, pwede (pa) kaming malaglag kaya sabi ko sa kanila, ‘gawin na natin ‘yung best natin (at) sabihin niyo sa sarili niyo na kailangan ‘di na kayo masyadong magkamali,'” saad MPL PH veteran sa post-match interview.

Credit: MPL Philippines

Para kila Coach Pakbet, EXP laner Renz “Renzio” Cadua, “CEO” Robbie Remar “Hito” Candoy at sa buong Omega squad, sobrang stressful ang pamamalagi nila sa bottom two spots sa mga nakalipas na linggo.

“‘Yung team namin hindi sanay sa baba eh kasi halos lahat ng matches namin dati noong (mga nakaraang season ng) MPL, ‘di kami umaabot sa top seven (No. 7),” ani ng respetadong coach.

Dagdag pa sa hindi sila sanay na nasa baba ng standings, inilahad ni Coach Pakbet na ang MPL PH Season 9 ang pinakamahalaga para sa Omega dahil sa isang malaking rason–ang pagdepensa ng kanilang titulo bilang “Kings of SEA” sa Mobile Legends Southeast Asia Cup o MSC.

“Sinasabi ko lang sa kanila, ‘Ito ‘yung pinakaimportanteng MPL para sa’tin’ kasi may MSC eh.’ Kailangan namin i-defend ‘yung title namin eh. Sinasabi ko sa kanila, ‘titignan na lang natin ‘yung MSC (trophy) natin na kukunin ng iba. ‘Di natin made-defend.'”

Matatandaang pinagharian ng Execration ang MSC 2021 laban sa Blacklist bago lumipat ang koponan sa bandera ng Omega sa MPL PH Season 8.

Credit: Moonton

Kaya naman sa dalawang napakahalagang laban nila sa huling linggo ng regular season kontra sa mga koponang kagitgitan nila para sa playoff spot na Bren Esports at Blacklist International, mukhang may ilalabas na natatagong alas sila Coach Pakbet at Smart Omega.

“Nagre-ready kami sa mga makakalaban namin sa last week ng MPL kasi mga matitindi din sila kaya kailangan din namin siguro ng bago kasi nakita na nila ‘yung mga ginagamit namin. Baka mag-isip kami ng bago,” wika ng dating Execration player.

“Baka bagong player,” pabirong dagdag niya.


Tutukan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 9 sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.