Buhay pa ang playoff chance ng Bren Esports matapos nilang pangibabawan ang best-of-three serye kontra Blacklist International sa ikapitong linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Sinigurado ng rookie roamer na si Vincent “Joy Boy” De Guzman at batikang EXP laner na si David “FlapTzy” Canon na hindi sila magpapawalis sa defending champions ng M3 World Championship, ang kondisyon na tatapos sana sa kanilang tsansa na makapasok sa playoffs ng naturang season.

Joy Boy at FlapTzy, pinanatiling buhay ang playoff chance ng Bren Esports

Playoff chance ng Bren Esports ipinaglaban nina Joy Boy at FlapTzy kontra Blacklist International
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Crucial ang pagpapakitang-gilas ng Hilda ni Joy Boy sa unang mapa ng serye laban sa Blacklist International. Sinigurado kasi nito na buhay pa ang tsansa ng Bren Esports na makaselyo ng spot para sa MPL PH Season 9 playoffs, kung saan anim na koponan lang ang makakapasok.

Game-high 12 assists at apat na kills ang inambag ng Pasigeño para kilalaning MVP ng unang mapa.

Playoff chance ng Bren Esports ipinaglaban nina Joy Boy at FlapTzy kontra Blacklist International
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Bagamat nagawang itabla ng Blacklist International sa tulong ng Popol and Kupa ni Kiel “OHEB” Soriano at crucial Way of Dragon ng Chou ni Edward “EDWARD” Dapadap ang serye, hindi naman pumayag ang batikang EXP laner ng Bren Esports na mauwi sa wala ang kanilang paghihirap hindi lang sa nasabing serye kung hindi ngayong season.

Playoff chance ng Bren Esports ipinaglaban nina Joy Boy at FlapTzy kontra Blacklist International
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Tumangke ng game-high 180,054 damage ang kanyang Esmeralda. Nagdagdag rin siya ng tatlong kills at walong assists para tuluyang makuha ng Bren Esports ang 2-1 tagumpay kontra Blacklist International.

Sa post-game interview, ibinahagi ni FlapTzy kung paano niya pinaalalahanan ang kanyang mga kakampi na kahit alanganin na ang playoff chance ng Bren Esports, mas mainam pa rin enjoy-in ang bawat laban.

“Sabi ko sana manggigil kami… ‘Wag namin isipin yung points na kailangan namin habulin, enjoy lang. Kasi ‘pag mas nag-eenjoy ka mas nananalo ka eh,” kwento niya.


Sa ngayon, parehong may 10 puntos ang Bren Esports at Smart Omega, habang 12 puntos naman ang nasa Blacklist International.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Paquito ni Markyyyyy, bumida sa reverse sweep ng ONIC PH kontra Smart Omega