Kamakailan lamang ay kinumpirma ng Suhaz Esports, isang team na kalahok sa MPL Malaysia, na kukunin nila ang serbisyo ng Filipino coach na si Theo “Raizen” Eusebio para gabayan ang kanilang MLBB team sa ika-sampung season ng liga.
Malaking karangalan ito sapagkat susundan niya ang yapak ng iba pang dekalibreng Pinoy talent (coaches at players) na tulad niya ay makikipagsapalaran sa labas ng MPL Philippines.
Matarik man ang tatahakin ay kumpiyansa si Coach Raizen na kaya niya at ng kaniyang team na makipagsabayan sa pinakamagagaling sa liga.
Coach Raizen inilahad ang proseso ng pagpasok niya sa Suhaz at mga plano sa bago niyang team

Sa isang panayam, ibinahagi ni Coach Raizen kung paano naganap ang kaniyang pagsapi sa Malaysian team. Aniya, “Mismong Suhaz yung nag-offer saken if gusto ko mag-coach sa kanila.”
“Sobrang sarap sa feeling and unexpected. Hindi ko in-expect na may mag-ooffer saken kahit nasa amateur pa lang ako,” pag-aamin pa ng Pinoy coach.
Mababalikan na ulo si taga-Bacoor, Cavite ng Z4 Esports team na naghasik ng lagim sa MLBB amateur eksena sa Pilipinas. Kabilang sa mga kampeonatong nakalawit ng koponan ang Underground League Season 6, Codashop Global Series Tournament, Lakandiwa Cup Season 11, at Tambay League Summer Cup.

Pinakahuli sa mga tropeyong nakamit ng grupo ang Juicy Legends Q2 Championship kung saan pinataob nila ang Alpha Esports Pro sa iskor na 4-2.
Ngayong professional team na ang susubukan niyang gabayan, kumbinsido si Coach Raizen na pareho lamang ang kalidad na kinakailangan para maging matagumpay na coach.
“Amateur coaches and pro coaches is same lang naman. More on mas maraming experiences lang silang nakukuha pero pag dating sa scrims, minsan pro coach [pa] ang kumukuha ng META at strats sa mga amateur.”

Kaya naman, ganoon na lamang kataas ang minimithi niya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang Suhaz Esports team. “Gusto ko ipakita sa makakalaban namin sa Malaysia na malalakas talaga ang Pinoy.”
“Gusto ko rin ipakita sa kanila na Pinoy yung makakapagpapasok sa kanila sa M4 at MSC,” dagdag pa ng coach.
I-check out ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli sa Mobile Legends.
BASAHIN: Suhaz Esports kumuha ng 2 Indonesian players para sa MPL MY S10