Muling pinatunayan ng ECHO kung bakit sila ang tinaguriang pinakamagaling na team sa buong mundo matapos sagasaan ang Blacklist International sa grand finals ng MPL Philippines Season 11. Hindi prumeno ang ECHO Express na pintpit ang mga karibal sa 4-0 sweep para maitaas ang tropeyong dumulas sa kanilang mga kamay noong nakaraang season.

Credit: MPL Philippines

Matapos ang dominanteng performance sa final stage, aminado ang koponan na malaking rason kung bakit sila nanaig ngayong season ay ang henyong drafting ng kanilang technical coach na si Robert ” Coach Trebor” Sanchez, ang parehong tao na bumasag sa UBE strategy ng Blacklist noong M4 World Championship.


Sinaluduhan ng ECHO si Coach Trebor matapos ang henyong drafting sa MPL PH S11 Grand Finals

Credit: MPL Philippines

Sa post-match press conference, hindi itinago ng mga miyembro ng ECHO kung gaano kalaking bahagi ang ginampanan ni Coach Trebor para makamit nila ang inasam na kampeonato sa pinakamalaking MLBB liga sa Pilipinas.

Pangunahing nagbigay-pugay sa kanila ay ang head coach ng team na si Harold “Coach Tictac” Reyes na kinilala ang husay ng kapwa niya coach sa drafting para masindihan ang ECHO Express.

“Si Coach Treb sobrang laki ng ambag sa ECHO. Siya yung drafter namin, so lahat ng heroes na ilalabas namin, sa kaniya lahat galing. Lahat ng ideas, even the Valir pick, sa kaniya lahat galing so napaka-crucial [niya],” kuwento ni Coach Tictac.

Credit: MPL Philippines

Samantala, inihayag din ng manager ng team na si Mitch Liwanag na hindi makakamit ng Orcas ang tinatamasang tagumpay kung wala si Coach Trebor sa kanilang panig.

Banggit ng manager sa media, “For me, para silang combination ni Coach Tictac at si Coach Treb. Si Coach Tic yung parang pinaka-muscle ng team while si Coach Treb, siya yung utak. Parang masasabi ko na hindi mabubuo yung coaching staff kung wala yung dalawa.”

Credit: MPL Philippines/ ONE Esports

Susubukan ni Coach Trebor na ipamalas muli ang kaniyang henyo para sa ECHO sa darating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 ngayong Hunyo sa Cambodia.

Sundan ang pinakahuli sa Mobile Legends esports sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: ECHO malinis na trinabaho ang Blacklist, kampeon ng MPL PH S11