Ipinagpatuloy ng ECHO ang kanilang dominasyon kontra sa karibal na Blacklist International mula sa M4 World Championship papunta sa MPL Philippines pagkaraang puguin ang defending champions sa inantabayanang grand finals ng MPL PH Season 11.

Hindi pinaporma ng Purple Orcas ang Blacklist na binaon nila sa 4-0 sweep para muling ipaalam sa mundo na sila ang pinakamagaling sa rehiyon at sa buong mundo.

Credit: MPL Philippines

ECHO Express gumulong sa MPL PH S11 Grand Finals

Ora-mismong sinindihan ng M4 World Champions ang ECHO Express para maagang biguin ang hanay ng Tier One sentro ang Lancelot ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno. Purnada ang tangka ng Blacklist na pabagain ang kanilang Ultimate Bonding Experience (UBE) strategy dahil sa bilis ng rotation ng Orcas.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Nagtala ng perpektong 5/0/5 KDA si KarlTzy para tapusin ang unang mapa sa loob lamang ng 14 minutos.

Samantala, Lapu-Lapu naman ni Sanford “Sanford” Vinuya ang kumana para sa ECHO sa ikalawang mapa. Bagamat nagtala lamang ng habag na 5/3/3 KDA, hindi nito sinalamin ang epekto ng kaniyang targeting sa Karrie ni Lee Howard “Owl” Gonzales para punitin ang primary damage dealer ng Blacklist.

Pambihirang pihit naman ni Alston “Sanji” Pabico sa Yve ang tuluyang sumira sa kumpiyansa ng hanay ng Tier One sa game three. Swabeng mga pitik sa kaniyang Real World Manipulation ang kumontrol sa teamfights pabor sa Purple Orcas para ipako ang 22-5 kill score demolisyon at isarado ang mapa sa ika-14 minuto.

Credit: MPL Philippines

Hindi na lumingon pabalik ang ECHO na sinandalan muli ang Lancelot ni KarlTzy (3/1/8 KDA) at Yve ni Sanji (1/0/9 KDA) para ipako ang serye gaya ng resulta sa M4 World Championship Grand Finals.

Hinirang na Finals MVP si Sanford dahil sa kaniyang consistent play sa EXP lane.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Kumpletong listahan ng mga ginawaran ng Season Awards sa MPL PH S11