Nagsilbing paalala sa lahat ng sumusubaybay sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 ang serye sa pagitang ng Smart Omega at ONIC PH kung bakit nga ba binansagang Comeback Kings ang koponang pinalalakas ni Duane “Kelra” Pillas.

Pinanghawakan kasi ng Smart Omega ang natirang hibla ng buhay ng kanilang base para makabawi sa ikatlong mapa ng best-of-three kontra runner-up ng M3 World Championship at maselyo ang una nilang panalo ngayong season.

Kelra ng Smart Omega matapos ang panalo kontra ONIC PH: "Comeback Kings po kami eh"
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kelra pinatunayang ‘Comeback Kings’ ang Smart Omega

Hindi maipagkakaila ang paghihirap na pinagdaanan ng reigning Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup champions noong unang dalawang linggo ng regular season. Bago kasi nila harapin ang ONIC PH, wala pang naipapanalo kahit isang mapa ang Smart Omega.

Kaya’t gayun na lamang ang hinaing ni Coach Jomie “P4kbet” Balaos nang tanungin ang kanyang pakiramdam ngayong nakuha na nila ang una nilang tagumpay:

“Ang sarap manalo pala.”

Ibinahagi rin ng beteranong coach ang kanilang pinagdaanan matapos ang sunod-sunod na talo kontra TNC Pro Team, ECHO, at RSG PH.

Kelra ng Smart Omega matapos ang panalo kontra ONIC PH: Comeback Kings po kami eh
Credit: Smart Omega

“Nag-a-adjust pa kami. Sobrang layo noong laro namin noong nakaraan. Ngayon kasi sobrang bago na talaga eh; sobrang bilis na ng game… kaya ginawa namin in-adjust namin. Sobrang tagal naming in-adjust ‘yung play namin… kaya sobrang hirap din kami noong week one tsaka week two,” paliwanag ni P4kbet.

Tila ‘di naman alintana ng MVP ng MSC 2021 ang pinagdaanang adjustments dahil aniya, “Comeback Kings” ang Smart Omega.

Bakas naman sa performance na ipinakita ng naturang gold laner ang kanyang pahayag. Malaki kasi ang ginampanan ng kanyang Beatrix para madepensahan ng kanyang koponan ang huli na sanang push ng ONIC PH.

Siya ang kumitil sa apat na miyembro ng kalaban at siya rin ang hinirang na MVP ng ikatlong mapa matapos magtala ng anim na kills at isang assist kontra isang death.

Kelra ng Smart Omega matapos ang panalo kontra ONIC PH: Comeback Kings po kami eh
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Dahil dito, may dalawang puntos na ngayong ang Smart Omega sa standings. Susubukan nila itong dagdagan bukas kontra Nexplay EVOS.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: MPL PH Season 9: Schedule, resulta,TNC Benthings sa kanyang MPL PH onsite debut: ‘Pangarap ko po ‘to’