Simula noong isinalang ni Daniel “SDzyz” Chu ng TNC Pro Team ML ang Jungle Demon Slayer sa Week 1 ng MPL Philippines Season 9 ay agad na naging popular ang emblem set sa mga core players sa liga. Bukod sa bilis ng pagkuha ng jungle minions sa early game ay napapaarangkada din nito ang objective-taking ng junglers, dahilan kung bakit patuloy ang pag-abuso ng mga teams sa paggamit nito.

Gayunpaman, namumukod-tangi ang ECHO jungler na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno na hindi pumapabor sa paggamit nito in-game.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Matapos patumabahin ang Blacklist International sa kanilang Week 6 Day 3 bakbakan, inilahad ni ECHO KarlTzy sa isang panayam ang kaniyang katwiran kung bakit naninindigan siya sa Assassin Killing Spree at hindi sa Jungle Demon Slayer.


Mas bagay sa playstyle ni ECHO KarlTzy ang Killing Spree kumpara sa Demon Slayer

Credit: ONE Esports

Hindi itinago ng batikang jungler na malaking dahilan sa kaniyang pagpabor sa assassin emblem kontra jungle emblem ang kaniyang playstyle. Ani ng ECHO superstar, “Gusto ko po kasi bakbakan yung laban eh. Tapos bagay po kasi sa playstyle ko yung pumapatay.”

Ipinahayag din ng M2 World Championship MVP ang tantiya niya sa mga players at teams na kumikiling sa paggamit ng Jungle emblem. “Yung mga nag-dedemon slayer po kasi ngayon more on objective yung team nila. Hindi sila masyadong ma-clash ganon. Eh yung samen kung ca-clash kami, ca-clash talaga kami.”

Matatandaang isa sa mga pinaka-agresibong koponan sa pagkuha ng kills sa kasulukuyang season ng MPL PH ang ECHO. Sa pinakahuling tala ng liga, numero uno ang koponan sa total kills na may 380 kills, malayo sa pumangalawa na ONIC Philippines na may 339.

Gayundin ang estado at laki ng kalamangan ng team pagdating sa larangan ng Total Assists. May tala na 884 total assists ang ECHO, samantalang ang sumunod na ONIC Philippines ay mayroon lamang na 777.

Credit: MPL Philippines

Bagamat hindi ginagamit in-game ni ECHO KarlTzy ang Demon Slayer emblem, hindi naman daw niya ipinagwawalang-bahala ito lalo pa’t pasok ito sa meta.

Paglalahad ng esports pro, “Trinatry ko yun sa mga scrim namen kaso anghirap po. Parang bitin sa damage.”

Sundan ang kampanya ng teams sa MPL sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Ito ang pananaw ni RRQ Alberttt tungkol sa Jungle Demon Slayer at Assassin Killing Spree emblems