Matapos magapi kontra RSG Philippines, babalik na muli sa win column ang ECHO. Ito ay matapos nilang lusutan ang matikas na Nexplay EVOS, 2-1 para pagtibayin ang kanilang posisyon sa standings ng MPL Philippines Season 10 regular season.

Sa naturang matchup, nagpamalas ng kakaibang kamandag ang team veteran na si Jaypee “Jaypee” Dela Cruz na kumamada sa roam, katuwang si Justine “Zaida” Palma na bumida naman sa closer.


Jaypee at Zaida pinangunahan ang atake ng ECHO kontra NXPE

Credit: MPL Philippines

Game one pa lamang ay showtime na ang nasaksihan ng mga miron dala ng palitan ng plays mula sa kapwa beterano na sina Jaypee ng ECHO at ni Jeniel “YellyHaze” Bata-anon ng NXPE.

Sa panig ng ECHO, obra maestra ang ipinakita ni Jaypee sa kaniyang Chou na muli’t-muling binigyan ang Esmeralda ni James “Jeymz” Gloria para buksan ang team fights. Hindi naman nagpatalo si YellyHaze na brilyante rin ang ipinamalas gamit ang kaniyang signature Xavier.

Bagamat sa veteran moves ng dalawa umikot ang kuwento ng game one ay hindi pinayagan ni Renejay “Renejay” Barcase na mawala sa kaniya ang spotlight.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Dumagundong ang ICITE Building sa hiyawan ng fans ng mag-isang kitilin ng “The Hitman” gamit ang Masha ang Beatrix ni Jhonville Borres “OUTPLAYED” Villar sa ika-28 minuto ng laro. Dito sumandal ang Nexplay para kuhanin ang Lord at epektibong isarado ang laro sa sumunod na minuto.

Sinubukang dalhin ng NXPE ang momentum na ito sa ikalawang sultada nang hawakan nila ang kalamangan sa early game. Gayunpaman, brilyanteng positioning sa mga objectives, katuwang ng panganib na dala ng Franco ni Jaypee ang nagpa-andar sa ECHO Express.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Tinapos ng purple orcas ang labanan sa loob lamang ng 14 minuto kung saan tinanghal na MVP ang beterano na nagtala ng 1/2/6 KDA.

Pagdako ng decider ay nanatiling sentro sa atake ng ECHO ang pagkuha sa objectives. Malaking tulong ang inambag ng Akai jungle ni Zaida na nanatiling kumpiyansa sa harap ng Benedetta ni John “H2wo” Salonga, partikular na sa krusyal na labanan sa Lord pit sa ika-14 minuto ng laro kung saan nakuha niya ang objective para sa team.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

MVP ng laro si Zaida na kumana ng malinis na 2/0/7 KDA para tulungan ang kaniyang team na maisarado ang laro sa ika 15 minuto, at mailista ang ikalima nilang panalo sa pitong laban.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli sa MPL PH.

BASAHIN: Bren Esports sinupalpal ang MPL PH S10 debut ni Renejay, pinaluhod ang NXPE