Opisyal na inanunsyo ng ECHO ang paglisan ng tatlong pro players mula sa kanilang roster na sumabak sa MPL Philippines Season 8.
Kakalas na mula sa team ang beteranong tank/support na si Jay “Jaymeister” Torculas, kasama sina Joshua “Aspect” Tating at Samuel Josef “Invoker” Reyes Cruz.
Inilahad ang update na ito tungkol sa ECHO roster sa isang Facebook post kung saan nagpahayag ang grupo ng pasasalamat sa mga naiambag ng tatlo sa kanilang tangkang kuhanin ang kampyonato sa nakaraang season.

“Today, Jay, Aspect, and Invoker officially depart our team roster. GGs and thank you, boys! GL further, and wish you all the best in your careers,” sulat sa nasabing post.
Malaki ang kontribusyon ng aalis na pro players sa team, partikular na si Jaymeister na rumelyebo sa kaniyang team captain na si Christian “Rafflesia” Fajura sa roaming position.

Nauna na ring namaalam sa kupunan ang kanilang Coach na si Steven “Dale” Vitug na pinalitan naman ni Michael “Arcadia” Bocado.
Nagtapos ang ECHO sa 5th place matapos ang MPL PH Season 8, at nakaangat naman sa Round 2 ng MPL Invitational 2021 bago pasuin ng RSG Philippines.
Antabayanan ang pinakahuling balita sa ECHO roster sa Facebook ng ONE Esports Philippines.