Muling pinatunayan ng ECHO kung bakit sila ang paboritong koponan na magtatagumpay sa gumugulong na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023. Ito ay matapos nilang kumpletuhin ang sweep sa Group A para pangunahan ang mg koponang lalahok sa Knockout Stage.


Kampanya ng ECHO sa MSC 2023 Group Stage

Hindi nagpatumpik-tumpik ang MPL Philippines Season 11 Champions na binuksan ang kanilang kampanya sa Phom Pehn sa pamamagitan ng isang dominanteng sweep kontra EVO Esports sa Day 1 ng MSC 2023 Group Stage.

Walang nagawa ang mga taga-Laos sa pambihirang salang ni Tristan “Yawi” Cabrera sa kaniyang signature Chou pick na binigyang-daan ang magkasunod na 15-2 at 20-7 kill scores demolisyon. Nagtala ang kapitan ng Orcas ng 3/1/18 total KDA para kuhanin ang 2-0 win.

Credit: MSC 2023

Kasamang kumamada ni Yawi si Benedict “Bennyqt” Gonzales na pumukol naman ng 16/2/7 total KDA hawak ang Wanwan sa game one at Beatrix sa closer.


Tinangka ng ECHO na sakyan ang momentum galing sa kanilang debut papunta ng ikalawang araw ng groups kaharap ang Fire Flux Impunity. Gayunpaman, pinatunayan ng mga taga-Turkey na may bigat ang kanilang tira dahil Malaking hamon ang iniharap nila sa unang dalawang laro ng serye.

Credit: MSC 2023

Sa unang mapa, tinutukan ng Turkish team ang heroes ni Sanford “Sanford” Vinuya sa drafting phase na pinuwersa ang pro na isalang ang Terizla . Gayunpaman, ang hero na ito rin ang naging mitsa ng kalaunang pagkagapi ng FIMP dahil isang panggulat na Penalty Zone sa lima ang ipinukol ng ECHO EXP laner sa bandang midlane sa 19-minute game time para burahin ang tatlong kalaban at pagulungin ang base push.

Sinubukang isarado ng ECHO ang serye sa game two ngunit Minotaur ni Furkan “APEX47” Akbulut ang sumira sa diskarte ng mga Pinoy. Sapat ang kontrol at sustain na dinala ng kaniyang tank roamer para sulutin ang game two sa ika-15 minuto at dalhin ang serye sa deciding game three.

Dito na pinagana ng Filipino champions ang ECHO Express bilang sagot sa pangahas na team galing Turkey. Pinangunahan ng Wanwan ni Bennyqt ang atake ng Purple Orcas na maagang naka-snowball para bigyang-daan ang 18-0 kill score dominasyon at iselyo ang tiket ng koponan papunta sa Knockout Stage.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Tatangkaing ipagpatuloy ng ECHO ang kanilang pambihirang performance sa MSC 2023 Knockouts na magsisimula sa June 15.

Sundan ang pinakahuli sa MSC 2023 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Yawi inaming malaki ang epekto ng bagong format ng MSC 2023 para sa ECHO