Batid ng kapitan ng ECHO na si Tristan “Yawi” Cabrera na mapanghamon ang landas na tatahakin ng kaniyang pangkat sa gugulong na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) ngayong gugulong ito sa pamamagitan ng bagong tournament format.


ECHO sabik ngunit nag-iingat daw sa MSC 2023 ayon kay Yawi

Bagamat paborito ang Orcas na mapagtagumpayan ang international pro tournament sa Phnom Pehn, alam ni Yawi na mapanganib para kaninuman ang susunding format, partikular na sa Knockout Stage kung saan single elimination ang magiging labanan.

Credit: MPL Philippines

“Sobrang focused po talaga. Kailangan all-in po talaga kame. Kasi, lahat po ng champion namen galing kaming lower bracket eh,” banggit ng ECHO roamer sa eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines.

Dagdag pa ng 21-anyos na pro, “Bigay kung bigay po talaga every match.”

Kahit pa sabik na simulan ang kanilang kampanya papunta sa inaasam na kampeonato, hindi lingid sa kaalaman ni Yawi na kailangan nilang maging maingat para makaiwas sa peligrong karga ng mga koponang kalahok sa MSC 2023.

Kuwento niya, “Kailangan wala po talagang mamaliitin na bansa kase lahat po naghahanda eh. So anytime, kahit sino puwede malason doon.”

Credit: MPL Philippines

“Tapos pag nalason, wala ng second chance so kailangan pantay-pantay lang po tingin sa lahat talaga.”

Susubukang kuhanin ng ECHO ang top seed sa Group A kontra Fire Flux Impunity at EVO Esports sa Group Stage na gugulong simula June 10 hanggang June 13.

Para sa iba pang eksklisibong MLBB esports content, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Nais makatapat ni Yawi ang mga players na ito sa MSC 2023