Ilang araw na lang ay magsisimula na ang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023), at nagpahayag ng pagkasabik sa paparating na tournament si Tristan “Yawi” Cabrera ng ECHO, isa sa mga koponan na kakatawan sa Pilipinas sa nasabing international event.

Para kay Yawi, magiging kakaiba ang MSC 2023 sa mga nagdaang taon dahil sa kakaibang format nito at pati na rin ang pagsali ng ilang bansa sa labas ng Southeast Asia, tulad ng Team Occupy, Fire Flux Impunity, at Outplay.

Mga roamers na gustong makatapat ni Yawi sa MSC 2023

Yawi ECHO
Credit: Moonton

Bilang isang roamer nasasabik ang M4 World champion na makatapat ang mga pro players na na may kapareho niyang role mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi lang upang sukatin ang kanyang kakayahan, kung hindi para na rin mas lalo pang paghusayin ito.

Sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports, tinanong ang roamer kung sino sa mga players ng ibang team ang nais niyang makatapat sa nalalapit na international event.

“Kiboy po. Si Momshoe po,” walang patumpik-tumpik na sagot ni Yawi.

Credit: ONE Esports

Idinagdag ng roamer na mataas ang kanyang respeto sa husay nina Nicky “Kiboy” Fernando ng ONIC Esports at Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna ng Blacklist International. At bukod sa dalawang nabanggit, wala nang iba pang nais makaharap ang MPL PH Season 11 champion.

“Siyempre kapwa Pinoy po tapos tinitingala ko pa din po siya as isa sa mga best roam po. Wala, silang dalawa lang po.”

Kabilang sa magkakaibang grupo ang ECHO, ONIC Esports, at Blacklist sa group stage ng tournament, kung kaya’t magkakaroon lamang ng posibiolidad na magkaharap-harap ang mga koponan na ito pagdating sa knockout stage.

MSC 2023 trophy
Screenshot by Jules Elona/ONE Esports

Ang group stage ng MSC 2023 ay magsisimula sa June 10 hanggang 13, na may isang araw na pahinga sa June 14. Ang knockout stage naman ay gaganapin mula June 15 hanggang 18.

Narito ang kumpletong roster ng bawat team na kasali sa tournament.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.