Butas ng karayom ang kinailangang lusutan nina Tristan “Yawi” Cabrera at ng kaniyang ECHO para maitumba ang makisig na RSG Slate Philippines sa lower bracket finals ng MPL PH Season 11 Playoffs.

Bagamat mapanghamon ang serye dahil sa pambihirang tikas na ipinakita ng Raiders, lumabas ang championship experience nina Yawi, paraan para umabante sila sa Grand Finals ng MPL PH Season 11 playoffs, at makuha ang tiket papunta sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023.

Sa post-match press conference, hindi ikinaila ng kapitan ng ECHO ang mga kinailangan nilang isakripisyo para makuha ang karangalang ito.


Yawi sa halaga ng tiket sa MSC 2023: ‘Sobrang dami na din po nameng sinakripisyo’

Credit: MPL Philippines

Sa tanong kung gaano kahalaga ang tagumpay na natamo ng team, hindi itinago ni Yawi na napaka-importante ng nakamit nila matapos ang lower bracket finals.

“Sobrang dami na din po nameng sinakripisyo. Wala na din po kaming dayoff. Di na po kami umuwi simula regular season po talaga,” kuwento niya sa harap ng mga nanood sa SMX Convention Center.

Kaya naman napakasarap daw sa pakiramdam na may pagkakataon silang maging kinatawan ng bansa sa international competition.

Credit: MPL Philippines

“Sobrang sarap po sa feeling. Worth it po lahat ng paghihirap po.”

Susubukang ipagpatuloy ng ECHO ang kanilang arangkada sa grand finals kontra Blacklist International, mamaya.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: KarlTzy may tugon sa sinabi ni Irrad tungkol sa pagkukumpara ng kanilang galing sa Lancelot