Lumikha ng maraming ingay ang RSG Slate Philippines jungler na si John “Irrad” Abarquez matapos niyang ihayag sa media na mas malakas siya maglaro ng Lancelot kaysa sa ECHO superstar na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno. Kasunod ito ng magilas niyang performance sa assassin sa game four ng Upper Bracket Semifinals para maikasa ang huling suntok ng Raiders sa game five para masipa pababa ng lower bracket ang Purple Orcas.

Credit: MPL Philippines

“Hindi naman sa pagkakaroon ng malaking ulo, para sa’kin kasi mas malakas ako mag-Lance sa kanya (KariTzy) eh,” banggit ng dating MDL star.

Ang ECHO jungler, hindi rin nagpigil ng mabigyan ng pagkakataon tugunan ang komentong ito.


KarlTzy sumundot ng pasaring kay Irrad

Matapos tulungan ang Purple Orcas itumba ang numero-unong BREN Esports sa lower bracket semifinals, hindi nag-alinlangan si KarlTzy na ilahad ang kaniyang pananaw ukol sa komento ng kaniyang RSG Slate PH counterpart sa post-match interview

Credit: MPL Philippines

Maikli ngunit malaman ang sinabi ng 19-anyos pro ukol sa komento, “Kitakits na lang po. Yung huling nagganyan saken, nagpahinga.”

Ito ay mistulang pasaring sa kapwa RSG member ni Irrad na si Jonard “Demonkite” Caranto na matatandaang nagbitaw rin ng mapaghamong mga salita sa mga panayam sa media. Pinakahuli sa mga ito ay nang sabihin ni Demonkite na hindi uubra si KarlTzy sa kaniya pagdating sa objective-takes.

Credit: MPL Philippines

“Pinamukha ko lang siya na hindi siya mananalo saken sa objective,” banggit ng dating jungler ng RSG matapos itumba ang ECHO sa huling linggo ng MPL Philippines Season 10 regular season.

Kalaunan ay magkabilang landas ang tinahak ng dalawang pro kung saan mas umayon ang tadhana para sa superstar ng Orcas na susing piyesa para makuha ng ECHO ang M4 World Championship. Samantala, nagpahinga muna si Demonkite mula sa competitive play sa Season 11 kung saan naghalinhinan sina Irrad at si John “H2wo” Salonga sa role.

Credit: MPL Philippines

May pag-asa pang mapakain ni KarlTzy si Irrad ng kaniyang mga binitawang salita sa playoffs kung masisipa pababa ng Blacklist International ang RSG, o kung di kaya naman ay sa grand finals kung mapapagtagumpayan nila ang lower bracket.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli ukol sa MPL PH!

BASAHIN: Irrad ibinahagi kung paano niya tinalo si KarlTzy