Pinatunayan ng ECHO na hindi hadlang ang pagiging “super team” nila sa kanilang debut match sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 nitong Sabado ng gabi.

Pinatikim ng ECHO ang Bren Esports ng 2-0 sweep kung saan nasaksihan ang kanilang swabeng galawan na hindi inasahan ng karamihan matapos silang ituring na super team dahil sa pagkuha ng star players noong offseason.


Inilahad ni Yawi kung paano sila nagkasundo-sundo sa ECHO

Credit: Yawi

Maraming MPL PH fans ang nagbigay ng kanilang reaksyon sa pag-recruit ng ECHO ng superstars na sina Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Tristan “Yawi” Cabrera” at Frediemar “3MarTzy” Serafico. May iilan pa ngang nagsabi na magiging problema ang chemistry at ego ng mga player pagdating ng panibagong season ng liga.

Pero hindi ganito ang sitwasyon na nakikita ni former Nexplay EVOS roamer Yawi sa kanilang koponan.

“Ang saya po. Maganda naman po ‘yung mga result namin sa scrim and maganda po ang pakikisama namin. Wala po masyadong problema,” sabi ni Yawi sa post-match interview.

Ayon pa sa kanya, nabigyan na nila ng solusyon ang maaaring maging suliranin ng pagiging super team nila.

“Nag-usap-usap lang po kami. Pinakaunang tinanggal po namin ‘yung pagpapataasan ng pride. ‘Pag may mali po, aminin po ganun.”


ECHO winalis ang Bren Esports para sa winning debut sa MPL PH Season 9

Nagpakitang-gilas si KarlTzy kontra sa kanyang former team na Bren gamit ang kanyang championship Lancelot at nakipagsanib-pwersa kay Jankurt “KurtTzy” Matira sa Vale para pangunahan ang ECHO sa early game.

Pero si gold laner Benedict “Bennyqt” Gonzales sa Phoveus na ang bumida sa winning clash sa mid kung saan walang takot siyang pumasok sa gitna ng mga miyembro ng Bren at pinagpupukpok ang mga ito gamit ang Demonic Force ultimate para makapaglista ang ECHO ng isang wipeout at ipako ang 21-13 win.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Mas mabilis na tinapos ng ECHO ang Game 2 kung saan nagpakita sila ng risky plays para maiselyo ang 12-5 panalo sa loob ng 14 minuto.

Pinangunahan ni Yawi sa kanyang Chou ang walang humpay na pag-atake ng ECHO at nagtala siya ng 1-1-10 kill-death-assist stats sa pagtatapos ng laro.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Pwede niyong subaybayan ang mga kaganapan sa MPL Philippines Season 9 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.