Muling pinatunayan ng EXP laner na si Edward “EDWARD” Dapadap kung bakit isa siya sa mga tinitingalang Mobile Legends pro sa buong mundo.

Ito ay pagkatapos niyang yakagin ang kaniyang Blacklist International sa 3-0 demolisyon kontra Smart Omega para makaangat papunta sa Upper Bracket Semifinals ng MPL PH Season 11 Playoffs.

Sa post-game interview, inamin ni EDWARD na bago pa gumulong ang serye kontra sa mga karibal ay kumpiyansa na siya sa kaya niyang gawin sa laro. At ito mismo ang sinalamin ng kaniyang laro.


Blacklist winalis ang OMG, EDWARD nagningning

Credit: MPL Philippines

Hindi nagpatumpik-tumpik si EDWARD na sinindihan ang atake ng Blacklist hawak ang paborito niyang Joy (2/0/5 KDA) para tulungan ang bagong-luto na Tankcelot ni Danerie “Wise” Del Rosario ibaon ang mga pambato ng Baranggay sa 19-6 kill score.

Dinala ng 19-anyos ang momentum mula sa malinis na game one papunta sa ikalawang mapa kung saan ipinamalas niya ang tunay na lakas ng meta pick na Arlott.

Hindi man nasalamin ng kaniyang 3/2/8 KDA ang kaniyang ambag sa laro, susi ang kaniyang targeting sa Beatrix ni Duane “Kelra” Pillas sa backline para biguin ang OMG na makatabla.

Sa game three, hindi na lumingon pabalik ang mga pambato ng Agents. Sa pangunguna ng signature Mathilda ni Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna, pinagulong ng Blacklist ang pambihirang early game para ipako ang serye sa 3-0 sweep.

Credit: MPL Philippines

Nagtala ng halimaw na 1/0/18 KDA ang The Queen, habang 3/0/14 KDA naman ang inilista ni EDWARD para tuluyang sipain ang OMG bago lumampas ng 15-minuto ang game three.

Sa panalo, aabante ang Blacklist International sa upper bracket semis para harapin ang matikas na Bren Esports.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH Playoffs sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Hindi magagamit ang Diggie sa MPL PH S11 Playoffs