Presko at malikhain ang produksyon ng TNC Pro Team ML para itampok ang mga manlalarong babandera para sa kanilang hanay ngayong MPL PH Season 11. Sentro dito ang inaasahang magmamaneho (at literal na nagmaneho sa bidyo) sa team papunta sa #BiyahengTagumpay na si Jomearie “Escalera” Santos, ang bagong-mintang co-captain ng pangkat.
Sasandal ang Phoenix Army sa kalibre ng MPL PH Season 9 Rookie of the Season na ngayon ay titindig bilang roamer ng grupong binubuo ng mga baguhan at mga datihan na sa liga. At sa tahaking ito, inamin ni Escalera na handa siya sa bigat ng responsibilidad, gayundin ang pagkasabik na simulan ang season.
Escalera sa pagiging co-captain, bakit sabik sa MPL PH S11
Eksklusibong nakapanayam ng ONE Esports Philippines ang ngayon ay main shotcaller na ng TNC Pro Team ML. Dito ibinahagi ni Escalera ang ekspektasyon niya ukol sa kaniyang bagong trabaho, at ang inaasahan niya sa kanilang kampanya sa gugulong na Season 11.

Bukod sa pagbabago ng role sa loob ng laro (mula midlaner, papunta sa roam), inilahad din ng 23-anyos na malaki rin ang pagbabago sa kaniyang gawain sa labas ng Land of Dawn.
Kuwento niya, “Dati nung rookie ako nung di pa ako captain, parang di ko nire-review yung laro. Hinahayaan ko sila si Ben, sila Coach yung gumawa. Pero ngayon as a captain, pag natatalo kami at paulit-ulit nangyayare, doon ako nagrereview mag-isa.”
At ngayong ulo siya ng team na babandera para sa Phoenix Army ngayong season, sabik daw siyang pagulungin na ang kanilang kampanya.

Ito ay dahil sa kumpiyansang ibinigay ng kanilang magandang performance sa nakalipas na 32nd SEAG SIBOL MLBB Qualifiers kung saan nakadikit sila sa M4 World Champions ECHO.
Bagamat kinapos, repleksyon daw ito sa kapasidad ng team na makipagsabayan sa pinakamalalakas sa mundo. “Momentum samen yun kasi nakaisa kami sa ECHO eh. Sabay yung game 3, parang kinapos lang kame. Parang nasira lang yung comfort namen, pero na-aral namen. Sobrang excited kami sa Season 11 kasi parang nabitin kami doon sa tournament sa SIBOL,” kuwento ni Escalera.
Dagdag pa niya, “Magandang momentum sa team yon kasi nakaisa kami sa World Champ eh. Sa buong mundo yon eh.”

Susubukang dalhin ng TNC Pro Team ML ang kumpiyansang ito kontra Nexplay EVOS sa February 17.
Para sa mga eksklusibong content tulad nito, i-like at i-follow lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Ito ang plano ni YellyHaze para gabayan ang rookies ng Nexplay EVOS sa MPL PH S11