Nagpahapyaw ang Blacklist International ukol sa kanilang roster pagkaraan nilang ibalita na hindi na muna sasabak ang beteranong roamer at analyst na si Mark “Eson” Gerardo sa kanilang kampanya sa MPL Philippines Season 11.

“His guidance for our younger players and veteran voice in the locker room is something we’ll miss this season. We hope to see our favorite uncle back in MPL Season 12,” sulat ng organisasyon sa naturang anunsyo.

Credit: Blacklist International

Ito ay sa gitna ng patuloy na pag-antabay ng mga miron sa isasalang na players ng Blacklist na makakatuwang nina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario na nauna nang kinumpirma ang kanilang presensya sa kanilang depensa ngayong season.


Lineup ng Blacklist International para sa MPL PH Season 11

Credit: Blacklist International

Mababalikan na pagkaraang kuhanin ang back-to-back titles sa MPL PH noong S7 at S8, at kalaunan ang korona sa M3, umupo muna ang V33Wise duo sa Season 9 para bigyan ng oras ang kanilang mga personal na buhay, at magpahinga bilang paghahanda sa kanilang mga susunod na kampanya.

Pagkaraang kapusin sa kanilang tangka na maging back-to-back M-World Series champions, maraming nag-akala na muling magpapahinga ang jungler-support tandem sa kampanya sa MPL PH Season 11.

Credit: Moonton

Lihis sa inaasahan ang ginawa ng dalawa sapagkat pangunahin silang nag-anunsyo na babandera sila para sa koponan ng Tier One ngayong MPL season.

Samantala, hindi pa rin naglalabas ng opisyal na anunsyo ang organisasyon tungkol sa kanilang roster, liban na lamang ang balita tungkol kay Eson.

Inaasahan na sa darating na mga linggo ay ilalahad na ng MPL PH Season 10 champions ang players na bubuo sa kanilang roster para sa gugulong na season.

Manatiling nakaantabay sa pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Listahan ng roster changes sa MPL PH Season 11