Maagang paiinitin ng Blacklist International ang kanilang makinarya upang manumbalik sa tugatog ng Mobile Legends eksena. Ito ay pagkatapos kumpirmahin ng team na mananatili sa kanilang aktibong lineup para sa MPL Philippines Season 11 ang pamosong V33Wise duo.

“For the upcoming MPL PH Season 11, our superstar duo of Johnmar “Ohmyv33nus” Villaluna and Danerie James “Wise” del Rosario have confirmed their decision to play under Blacklist International,” sulat ng koponan sa naturang anunsyo.


Mananatiling aktibo ang V33Wise para sa Blacklist ngayong S11

Pagkaraang kapusin sa kanilang tangka na maging unang two-time world champions sa M4, umiral ang haka-haka na magpapahinga muna mula sa competitive play ang V33Wise. Ito ay kasunod ng ginawa ng pamosong duo na nilaktawan ang kampaniya sa MPL PH Season 9, bago muling yanigin ang liga sa Season 10 para iuwi ang ikatlo nilang kampeonato.

Credit: Blacklist International

Ani naman ng Blacklist, nagkaroon ng konsultasyon sa pagitan ng management, players at coaches bago ilabas ang opisyal nilang pahayag.

At ngayong nagdesisyon ang V33Wise na muling bumandera para sa kanilang panig, tiwala ang team na mananatili ang kanilang tindig at kalibre na nagdala sa kanila sa tuktok ng mundo ng Mobile Legends.

“Our redemption story starts today. We know you’ve got our backs, agents,” dagdag ng dekoradong team.

Kaalinsabay sa roster update na inilabas ng Blacklist ang anunsyo na maglalaro para sa kanilang SEA Games SIBOL MLBB Qualifier ang dating Nexplay veteran na si Renejay “RENEJAY” Barcase. Makaktuwang ng The Hitman ang MV3 ng team na binubuo ni Kiel “OHEB” Soriano, Salic “Hadji” Imam at Edward “EDWARD” Dapadap.


Credit: Moonton

Susubukan ng mala-alamat na tambalan na makalawit ang ikalawa nilang back-to-back kampeonato pagtungtong ng S11, at madala ang momentum na ito papunta sa mahabang daan papunta sa M5 na gaganapin sa Pilipinas sa darating na Disyembre.

Bagamat nagkumpirma na ang V33Wise, wala pang opisyal na anunsyo ang team sa iba pang miyembro na isasalang nila sa gugulong na MPL season.


Roster ng Blacklist International para sa MPL PH S11

Credit: Moonton
  • Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna
  • Danerie “Wise” Del Rosario

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita ukol sa MPL.

BASAHIN: Renejay kumalas na sa Nexplay, sasabak sa SEAG SIBOL MLBB Qualifiers para sa Blacklist