Nagbalik ang beteranong roamer na si Mark Jayson “Eson” Gerardo upang tulungan ang Blacklist International na padapain ang Nexplay EVOS, 2-1, sa Week 6 Day 1 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Pinangunahan ni Eson sa kanyang Ruby ang opensiba ng Agents sa deciding Game 3 sa pamamagitan ng pagtala ng 0/1/14 KDA (87.5% kill participation) para maiselyo ang dominanteng 16-4 panalo sa loob ng 15 minuto.

Credit: MPL Philippines

Malaki rin ang ambag ng kanyang Grock sa 16-minute victory ng back-to-back MPL PH winning team at M3 world champion squad sa Game 1 kung saan inilista niya ang pinakamaraming assists (8).

Matapos ang serye, ipinakita ni Eson sa post-match interview ang kanyang tiwala sa kampanya ng Blacklist International sa MPL PH Season 9 kahit na nasa alanganing pwesto pa rin sila sa kasalukuyang standings.


Tiwala pa rin si Eson sa takbo ng Blacklist International sa Season 9

Eson
Credit: MPL Philippines

Sa pagbabalik ni Eson, pinutol ng Blacklist International ang kanilang four-game losing streak at pinaangat ang kanilang puntos sa 11 mula sa 2-8 series win-loss record para lalong lumapit sa No. 6 team na Nexplay EVOS (13 points, 4-6).

Binawian din ng BLCK ang NXPE na tumalo sa kanila sa first half ng regular season at pinalubog ang koponan ni Setsuna “Dogie” Ignacio sa isang four-game losing skid.

May natitira pang four matches ang Blacklist sa tumatakbong season at buo ang tiwala ng natatanging three-time MPL PH champion player na si Eson na kaya pa nilang gapangin ang standings upang makatungtong sa playoffs kung saan ang top six teams lang ang makakapasok.

“Hindi pa talaga tapos. Mahaba pa ‘to. Gapang talaga,” sabi ng 27-year-old pro na naglalaro na sa liga mula pa noong unang season.

Ito rin ang pananaw ni gold laner Kiel “Oheb” Soriano, na naniniwalang mas kumpleto at handa na sila para sa mga natitira pang pagsubok sa regular season.

“Habang mas tumatagal mas makikita nila kaming mananalo. Ayaw naman namin malaglag agad sa regular season. Pagsisikapan namin na maitawad talaga ‘tong regular season,” saad ni Oheb.

Credit: MPL Philippines

Nagpasalamat si Eson maging si Oheb sa mga sumusuporta sa kanila lalo na sa mga punto ng Season 9 na hirap sila.

“Sobrang importante (ng suporta ng fans) kaya nagpapasalamat kami sa Agents na patuloy pa ring sumusuporta through ups and downs. Maraming salamat! Sobrang importante niyo guys. Mahal na mahal namin kayo!” sabi ni Eson.


Tatangkain ng Blacklist International na panatilihin ang kanilang momentum patungo sa kanilang malaking laban kontra sa No. 1 team na ECHO sa Linggo, ganap na ika-6 ng gabi. Pagkatapos nito, susubukan naman ng Nexplay EVOS na makabalik sa winning track laban sa Bren Esports sa closing match ng Week 6.

Sundan ang mga kaganapan sa MPL Philippines sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.