Nagsimula na ang group stage ng Mobile Legends: Bang Bang discipline sa 31st Southeast Asian Games.

Sa naturang tournament phase, hinati sa dalawang grupo ang pitong kalahok. Sasabak ang mga koponan sa best-of-two, single round-robin format, kung saan may kaakibat na puntos ang bawat panalo—tatlong puntos kung 2-0, habang tig-isang puntos naman kung 1-1.

Hindi malabong matapos ang group stage ng MLBB event ng 31st SEA Games na may pantay na puntos ang dalawa o higit pang koponan sa isang grupo. At dahil ang top seed at second seed mula sa bawat pangkat lang ang makaka-abante sa huling stage, kakailanganin ng mga tiebreaker.


Ang format ng tiebreaker sa group stage ng 31st SEA Games MLBB

Ito ang format ng tiebreaker sa group stage ng 31st SEA Games MLBB

Ayon sa tournament rules ng palaro, depende sa kaso ang iiimplementang format ng tiebreaker sa group stage ng MLBB event.

Kung dalawang koponan lang ang tabla, ang may mas mataas na head-to-head record ang makakakuha ng mas mataas na ranking.

Kung higit pa sa dalawa ang tabla at hindi madadaan sa ranking at head-to-head ang desisyon, sasabak sa best-of-one tiebreaker matches ang mga koponan.

Kung magkakaroon naman ng three-way tie para sa second seed, ang dalawang koponang may pinakamahabang competing time (base sa mga naipanalo nilang laban) ang magsasalpukan sa best-of-one. Haharapin ng mananalo dito ang natirang koponan sa isa pang best-of-one para mapagdesisyunan ang second seed.

Parehong format ng tiebreaker din paiiralin kung magkaroon ng three-way tiebreaker para sa top seed.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Xavier ni Imam nilapnos ang Laos, SIBOL MLBB perpekto pa rin sa Group Stages ng 31st SEA Games