Napatunayan muli ni Michael “MobaZane” Cosgun at ng kaniyang BloodThirstyKings (BTK) na sila ang pinakamahusay na MLBB koponan sa North America pagkaraang makalawit ang kampeonato ng North America Challenger Tournament (NACT) Spring 2023.

Sorpresa ang tagumpay ng BTK lalo pa’t nakaharap nila sa grand finals ng torneo ang paboritong Outplay (dating TheOhioBrothers), ang parehong team na nagtala ng perpektong 14-0 sweep sa regular season.

Bagamat bigo ang hanay makaisa kontra sa star-studded lineup ng Outplay sa regular season gayundin sa gumulong na upper bracket finals (0-3 pabor sa Outplay), ipinakita nina MobaZane ang kakaibang gutom at tikas para ikasa ang rematch sa final stage at makuha ang tiket papunta sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023).

Credit: Moonton

Ngunit bago makuha ang makabag-damdaming 4-3 series win, may ang mga krusyal na kaganapan sa serye na nagbigay ng pagkakataon para makuha ng BTK ang puwang na kinakailangan para makuha ang tagumpay. Sinilip ng ONE Esports ang gumulong na grand finals series at natagpuan ang tatlong krusyal na sandali na nagbigay-daan sa tagumpay ng pangkat ni MobaZane:


3 krusyal na sandali na naganap sa finals para magtagumpay ang BTK sa finals ng NACT Spring 2023

1. Pambihirang depensa ng BTK sa Game 5

Natagpuan ng BTK ang kanilang mga sarili sa alanganin pagdako ng game five kung saan naghari ang Outplay sa unang bahagi ng laro. Gayunpaman, pumihit ang koponan ng isang milagrosong comeback gamit ang matinding depensa sa kanilang base sa ika-16 minute game time para supilin ang tangka ng kalaban na makabasag.

Sentro ang depensang ito para mabawi ng BTK ang momentum hindi lamang sa laro kundi sa kabuuan ng serye.


Swabeng Petrify+Furious Dive ni Tea sa game 7

Dikitan ang gumulong na game seven para sa dalawang teams ngunit isang teamfight lamang ang sa ika-23 minute ng laro nagdikta sa kinalabasan ng serye. Sa mahalagang sandali na ito, nagawa ng BTK EXP laner na si Tea (Yu Zhong) na mailapag ang perpektong Petrify + Furious Dive sa tatlong manlalaro ng Outplay sa labanan sa Lord pit mapitas ang Yve ni Jang “Hoon” Seong-hun.

Sa puntong ito ay nawalan ng teamfight control ang Outplay at nadehado sa pagkuha ng mahalagang objective sa late game.


Napurnadang split push ni Basic sa game 7

Parehong gigil na pumasok sa game seven ang dalawang grand finalists na muling itinulak ang laro papunta sa late game. Dito sinubukan ni Peter “Basic” Lozano (Brody) na mag-isang puksain ang pag-asa ng BTK nang itulak niya ang bot lane sa ika-23 minuto habang abala ang ibang miyembro sa gumugulong na labanan sa Lord pit.

Pinanipis ng maigi ni Basic ang health bar ng base ngunit kapos ang kaniyang tangka ng matagpuan siya ng dalawang support players ng BTK na dumepensa. Samantala, nakuha nina MobaZane ang lord objective at pinunit ang mga miyembro ng Outplay sa proseso, daan para makuha nila ang tropeyo ng NACT Spring 2023 at ang tiket sa MSC 2023.

Malaking upset ang napihit nina MobaZane at ng kaniyang tropa, at inaasahan na masasandalan nila ang momentum na ito pagdating sa international pro play.

Sundan ang pinakahuli sa MLBB esports sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Falcon Esports mabubuwag na nga ba? Kenn at Naomi may paglilinaw sa sitwasyon