Nakakasa na ang pagtatagpo ng magkasing-init na GameLab at ECHO Proud sa gugulong na Grand Finals ng Mobile Legends: Bang Bang Developmental League Philippines Season 1 (MDL PH S1), bukas ng hapon.

Ito ay pagkaraang sagasaan ng dalawang koponan ang kani-kanilang semifinal matchups na parehong natapos sa 2-0 sweep sa Day 2 ng Playoffs.

Credit: MDL Philippines

GameLab at ECHO Proud matagumpay sa MDL PH S1 semis, ikinasa ang Grand Finals showdown

Dinomina ng dalawang grandfinalists ang kani-kanilang nakaharap sa gumulong na semifinal round, kung saan pinataob ng Bracket A leader GameLab ang Blacklist Academy, 2-0, habang dinaig naman ng mga hari naman ng Bracket B na ECHO Proud ang Bren Euphoria Esports sa parehong iskor.

Sa unang semifinal matchup, ipinakita ng GameLab midlaner na si Jermaine “Aizawa” Fernandez kung bakit siya hinirang na MDL PH Season 1 Regular Season MVP matapos magpamalas ng pambihirang play sa kaniyang Yve sa dalawang laro ng serye (11/3/17 Total KDA) para biguin ang Blacklist Academy ni Kiel “OHEB” Soriano.

Credit: GameLab

Samantala, pinagtulungan ng dating MPL pros na sina Jhonville “OUTPLAYED Borres Villar at James “Jeymz” Gloria na dalhin ang ECHO Proud sa final stage nang biguin nila ang Bren Euphoria Esports sa dalawang laro.

Hindi nakapalag ang MDL team ng Bren sa husay ng Karrie ni OUTPLAYED na sinakop ang late game para sa Purple Orcas at maitala ang pambihirang 9/1/0 KDA, habang Arlott naman ni Jeymz ang kumamada sa ikalawang mapa para tuluyang puksain ang pag-asa ng kalabang team sa larong tumagal lamang ng lampas 11-minutos.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Dahil dito, nakatakdang magharap ang dalawang numero-unong team ng Bracket A at Bracket B para hiranging unang kampeon ng MDL Philippines.

Manatiling nakatutok sa pinakahuli sa Mobile Legends sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Blacklist OHEB may isiniwalat ukol sa paglalaro niya sa MDL PH