Matapos ang tatlong seasons, lilisanin na ni Jaylord “Hatred” Gonzales ang kaniyang spot sa lineup ng ONIC Philippines. Ito ay ayon sa anunsyo ng koponan sa social media, Huwebes ng hapon.

Sa naturang post, pasasalamat lamang ang inihandog ng team sa kanilang midlaner na unang bumandera para sa kanila noong MPL Philippines Season 7.

Credit: ONIC PH

“He is willing to try new things and make sure to be consistent in whatever role he plays. Hard work and passionate are the two best words to describe his work-ethic and he does all of this to bring his teammates to a championship,” sulat ng koponan.


Si ‘Mr. Multirole’ Hatred at ang kaniyang karera sa ONIC PH

Pagkatapos ang maigsing kampanya kasama ang Execration sa MPL Philippines Seasons 5 at 6, sinubukan ni Hatred ang kaniyang kapalaran ng sumanib siya sa international organization sa sumunod na season.

Screenshot ni Ron Muyot/ ONE Esports PH

Bagamat hindi agarang natupad ang inasahang arangkada sa kaniyang debut ay pumalo ang bwenas ng 19-anyos sa ikalawa niyang season kasama ang Yellow Hedgehogs. Nagawa ng team na makarating ng grand finals ng parehong MPL Philippines Season 8 at ng prestihiyosong M3 World Championship kahit pa nabigo kontra sa kalaunang kampeon na Blacklist International.

Malaking bahagi ng tagumpay ng ONIC PH noon ay ang abilidad ni Hatred na maglaro ng ibang role taliwas sa kaniyang orihinal na role bilang jungler (na siya ding role na ginampanan niya noon para sa Execration).

Sa tinahak na MPL Philippines Season 9, tuluyan ng niyakap ni Hatred ang midlaner role na dating hinawakan ng kapitan ng team na si Allen “Baloyskie” Baloy. Hindi man naging mabunga ang kanilang kampanya ay nakapaglista naman ng dekaledad na 2.62 average kills at 6.0 average assists ang batang pro, kontra lamang sa  2.38 average deaths.


Sa pag-alis ng midlaner sa team ay si Nowee “Ryota” Macasa na lamang ang bukod-tanging player na matitira mula sa S9 roster ng ONIC PH.

I-check out ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Eksklusibo: Coach Yeb inilahad ang rason sa paglipat nila ni Kairi papunta ng ONIC Esports at MPL ID