Kung may isang hero na masasabing nagpabago ng ihip ng hangin sa naganap na MPL PH Season 8 Grand Finals, malaki ang tiyansa na ang Jungle Bane ng Blacklist International ang mangunguna sa listahan.

Hindi binigo ni Danerie “Wise” Del Rosario ang mga miron nang isalang ang kaniyang jungle Bane sa tatlong magkakasunod na laro, na nagbigay daan sa mabilis na pagdispatya ng Blacklist sa ONIC Philippines, 4-1, upang hiranging back-to-back champions ng MPL PH.


Binigyang daan ng jungle Bane ang ‘Pedal to the Metal’ UBE ng Blacklist

Credit: Moonton

Tipikal sa mga larong kinalalahukan ng Blacklist International na magsama-sama sa ika-8 minuto ng laro para sa ‘di mapuksa-puksang Ultimate Bonding Experience (UBE) strategy.

Bagamat epektibo ito, ibang lebel ng UBE ang nasaksihan ng mga fans sa Game 3 hanggang Game 5 tampok ang jungle Bane ni Wise na lumapnos sa ONIC sa early hanggang midgame.

Walang kasimbilis na tower push at pagselyo ng mga jungle objectives ang ibinigay ni Wise para pangunahan ang opensiba ng kaniyang kupunan. At makikita itong maigi sa mga numerong itinala ng jungler.

Sa tatlong laro na isinalang ang Bane ng Blacklist, lumalabas na 12 minuto lamang ang average game time, napakabilis kung ikukumpara sa 18:13 average game time na tipikal nilang ginugugol.

Credit: MPL Philippines

Nalagpasan din ng ngayon ay MPL Season 8 Champions ang kanilang average assists per game. Sa tatlong magkakasunod na laro, nagtala ang Blacklist ng malahalimaw na 37.67 average assists, lamang sa average nila na 30.03 assists sa regular season.

Bukod dito, tumataginting na 12.0 KDA Average din ang iniambag ng jungler sa tatlong magkakasunod na panalo, na pinakamataas sa lahat ng players sa championship series.

Jungle Bane sa MPL PH Season 8 Regular Season

Credit: Moonton

Matatandaang una ng isinalang ang jungle Bane ng Smart Omega sa Week 5 Day 1 matchup kontra pa rin sa ONIC Philippines.

Bagamat kinapos ang Omega sa regular season bakbakan, pasabog ang ginawa ni Kiel VJ “kielVJ” Hernandez sa kaniyang Bane na nagtala ng 5/0/6 KDA para sa Game 2 panalo.

Lumabas ulit ang hero sa jungle position sa Week 7 Day 2, sa punto namang ito ay kontra Omega. Deny pick man o inihandang composition, matagumpay ang maniobra ng Blacklist sa hero na nagtala ng 4/1/4 KDA papunta sa 2-0 sweep.


Sundan ang mga ganitong istorya sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!