Naging popular na naman ang jungler Baxia sa competitive scene dahil sa pagdating ng MLBB 1.6.66 patch at isa pa nga siya ngayon sa mga priority picks sa mga propesyonal na liga.

Hindi na bago ang Baxia sa jungler role at ilang pro players na ang gumamit nito sa mga nakalipas na torneo. Pero tila mas sikat ‘to ngayon sa lahat ng regions na may Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) tulad ng MPL Philippines at MPL Indonesia.

Bakit nga biglang sumikat ang jungler Baxia sa MPL? Narito ang mga posibleng dahilan.


3 dahilan kung bakit priority pick ang jungler Baxia sa pro scene

Solido ang nakuha niyang buff sa MLBB patch 1.6.66

Credit: Moonton

Sa nilabas na patch noong nakaraang linggo, pinalakas ang second skill ni Baxia na Shield of Spirit.

Mula sa base damage na 125-250, pinalakas ito sa 180-255. Bagamat pinatagal ang cooldown nito (9-6s > 10-7s), hindi ito problema dahil nababawasan nang 86% ang cooldown nito kapag napatama sa hero o jungle creep. Dahil dito mas mabilis na siyang makapag-farm sa jungle.

Bukod pa sa buff na ito ay pumapabor na ang Moonton sa paggamit ng jungler-tank sa pamamagitan ng pag-revamp ng Bloody Retribution. At isa ang jungler Baxia sa mga pinakaswak sa role na ‘to.

Mataas ang mobility at anti-regen ni Baxia

Credit: Moonton

Mataas ang mobility ng isang jungler Baxia dahil sa first skill na Baxia-Shield Unity at gamit ito ay mabilis siyang nakakaikot sa jungle camps. Maganda rin itong pang-initiate o pang-follow up sa mga team fight.

Sa mga clash naman, epektibo niyang nakokontra ang mga hero na umaasa sa shield at HP regen tulad nila Esmeralda at Uranus gamit ang kanyang passive na Baxia Mark.

Ang mga ito ang ilan sa mga kalamangan ng isang jungler Baxia laban sa ibang jungler-tanks kaya madalas siyang prio pick sa MPL.

Mahirap guluhin ang rotation ng isang jungler Baxia

Credit: Moonton

Dahil sa kanyang angking kunat at second skill na madalin i-spam, mahirap i-invade ang isang jungler Baxia sa kanyang pagfa-farm at pag-ikot sa mapa. Magandang katangian ito lalo pa’t pinalakas din ang iba pang tank heroes tulad nila Masha at Hilda na madalas ginagamit bilang roamer.

Siguradong magdadalawang-isip ang sinuman na magtatangkang mag-invade sa Mystic Tortoise at kung gagawin naman ito ay kakailanganing magsama ng mga kakampi at magbuhos ng resources.

Para sa iba pang MLBB guides tulad nito, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.