Hindi lamang sa husay niya sa gold lane kung bakit matunog at patuloy na umiingay ang pangalan ni Duane “Kelra” Pillas ng Smart Omega. Tanyag din ang batang pro dahil sa kaniyang expressive personality na nagiging mas prominente sa mga pagkakataong lumalahok ang kaniyang team sa high stakes games.

Sino bang makakalimot sa muli’t-muli nilang bangayan ng kapwa gold laner na si Kiel “OHEB” Soriano na parte ng karibal nilang Blacklist International, o di kaya naman ang taunting niya kontra sa mga kasing-angas na teams tulad ng Nexplay EVOS sa MPL Philippines.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ ONE Esports

May mga pagkakataon din namang hindi angas kundi lehitimong emosyon ang ipinapakita ni Kelra. Mababalikan na pagkaraang ilaglag ang ONIC Phillipines sa MPL Philippines Season 9 playoffs ay mahigpit na inakap ng gold laner ang kaniyang former teammate at mentor na si Marky “Markyyyyy” Capacio.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ ONE Esports

Bagamat nagpapabaga lalo ang personalidad na ito sa makinarya ng Omega at ng mga ka-baranggay, ito rin ang dahilan ng ilang beses niyang pagkakadawit sa mga kontrobersiya partikular na sa paglabag ng professional conduct ng liga.

Sa pagpapatuloy ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022), inaasahan na ng mga miron na muling lalabas ang ganitong personalidad ng batang pro. Ngunit taliwas sa palagay ng marami, kalmado at mapagkumbaba ang Kelra na humaharap sa international na torneo.


Tinanggihan ni Kelra ang pag-tataunt matapos matabla ang serye kontra RRQ

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Viral ngayon sa Tiktok ang video tampok si Kelra matapos itabla ang serye kontra sa RRQ Hoshi. Sa naturang video, lumipat ang camera sa direksyon ng kinauupan ng Omega gold laner na para bang inaasahan na maglalabas ng kaunting taunt para sa mga fans.

Gayunpaman, makikita na tinanggihan niya ang hamong i-taunt ang paboritong RRQ, na isa ring koponan na pamoso sa kanilang angas at ingay pagkatapos ng matches.

Magkahalo ang reaksyon ng mga miron tungkol dito dahil may ilang fans ang nabigong makuha ang inaasahang pang-aasar ng OMG gold laner. Ngunit marami ring natuwa sa ipinakitang maturity ng batang pro.

Pasilip ba ito sa mas kalmado at mas determinadong Kelra? Walang nakakasigurado. Ang sigurado ay gagawin lahat ng batikang gold laner ang lahat para madepensahan ng kanilang koponan ang titulong “Kings of the SEA”.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Todak Ciku inilahad ang rason ng role swap nila ni Momo sa MSC 2022