Gaya ng kanilang pamosong drafting style, hindi pinapayagan ng Todak na walang silang bagong maihahandog sa mga laban at torneong kinabibilangan nila.

Tatak na ng Malaysian team na Todak ang pagsasalang ng unique heroes at strategies sa mga laban nilang kinalalahukan. Ito ang dahilan kung bakit pamoso ang team bilang isa sa mga pinakamahirap na madiktahan sa usaping playstyle at drafting.

Credit: MSC 2022

Ngayong gumugulong ang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022), ay hindi pinalagpas ng Malaysian MLBB team na ipakita muli ang kanilang karakter. Bagamat tanyag si Muhammad “Ciku” Danial sa kaniyang galing sa jungler role ay ang EXP laner na si Idreen Bin “Momo” Abdul Jamal ang isinalang ng team sa naturang role.

Hindi naman binigo ni Momo ang home team sa paglalaro niya sa posisyon dahil bukod sa desenteng Group Stages kung saan umangat sila kasama ng Falcon Esports, ay nagawa nilang patumabahin ang Smart Omega sa round 1 ng playoffs para maipagpatuloy ang kanilang kampanya sa upper bracket.


Utility playstyle ni Momo mahalaga daw para sa Todak ngayong MSC 2022

Credit: MSC 2022

Matapos ang laban kontra sa ONIC Esports sa Group Stage, nagkaroon ng tiyansa ang ONE Esports na makapanayam ang batikang player mula Todak.

Sa naturang panayam ay inamin ni Ciku na malaking rason kung bakit isinalang si Momo sa kaniyang orihinal na role ay dahil sa mga pagbabago sa meta na patuloy na pumapabor sa Tank jungler heroes.

Dagdag pa ng Malaysian pro, mas mataas daw kasi ang tiyansa niyang mapatay dahil sa kaniyang playstyle kung ikukumpara sa kanilang orihinal na EXP laner. “While Momo can play more in accordance with the needs of the team.”

“Momo’s type of game is more to help the team. It’s not a problem for him if he can’t get a kill,” pagpapatuloy ni Ciku.

Credit: MSC 2022

Mababalikan na panay sa EXP lane isinasalang si Momo sa mga nakaraang international tournaments na sinalihan ng Todak. Gayunpaman, nagkaroon ng tiyansa ang pro na makapaglaro bilang jungler at gold laner sa nakalipas na MPL Malaysia Season 9 kung saan ang kaniyang team ang hinirang na kampeon.

Hindi lamang si Momo ang binigyan ng pagkakataon na malaro ang jungler role sa mga nakalipas na tournaments ng Malaysian team. Pati ang roamer na si Yums at ang gold laner na si 4Meyz ay naisalang na din sa nasabing position.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Panalo ng Todak kontra Smart Omega sa MSC 2022 playoffs, ‘confidence booster’ daw