Nagwagi ang Todak laban sa Smart Omega sa unang round ng upper bracket sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022).

Lamang na sana ang Omega sa unang game matapos nilang makuha ang unang dalawang Lord. Ngunit sa isang play na potensyal na tumapos ng laban ay nabaligtad ng Todak ang sitwasyon na nagresulta sa pagkalagas ng mga miyembro ng Barangay Omega.



Kinuha ng Todak ang Game 1 sa tulong ng Evolved Lord sa score na 19-14.

Sa ikalawang game, bumawi ang MSC 2021 champions sa nangyari sa kanila sa naunang game. Sa isang pagtangka na basagin ang inhibitor turrets sa mid at bottom lanes, nagawa ng Omega na papasukin ang Todak. Isa-isang napitas ng barangay ang mga miyembro ng Malaysian squad para sa isang wipeout, na naging daan upang makuha ng Kings of the SEA ang Game 2.



Sa pagdating ng ikatlong game na magpapasya ng kapalaran ng dalawang koponan para sa playoffs, inilabas ng Todak ang buo nitong bangis. Dinaan nila sa bilis ang laban kung saan tuloy-tuloy na pagbasag ng mga tore ang naging daan upang tapusin ang huling game ng series sa ilalim lamang ng 13 minuto sa score na 19-8.

Matapos ang serye, inamin ni Todak coach Zairul “Ajim” Hazim Zailani na kaya sana nilang walisin ang Smart Omega, kung hindi lang sila nadali sa late game noong ikalawang mapa ng serye.

Gayunpaman, ikinagalak nila ang panalo kontra defending MSC champions lalo na’t malaking tulong ito para mapalakas ang kanilang kumpiyansa.



Magpapatuloy ang Omega sa lower bracket kung saan makakaharap nila ang matatalo sa pagitan ng EVOS SG at RRQ Hoshi.

Panalo ng Todak kontra Smart Omega sa MSC 2022 playoffs, 'confidence booster' daw
Credit: ONE Esports

Kilala ang Omega bilang mga halimaw sa lower bracket, at ilang beses na rin nila itong napatunayan. Ngunit sa pagkakataong ito, magawa kaya nilang patunayan ang titulong ‘Kings of the lower Bracket’ upang kunin ang back-to-back title bilang kampeon ng MSC 2022?

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.