Nauwi sa tabla ang best-of-two series sa pagitan ng Smart Omega at RRQ Hoshi noong ikalawang araw ng group stage ng MSC 2022.

Naganap ang bakbakan matapos maselyo ng parehong koponan ang kani-kanilang puwesto sa playoffs. Ibig sabihin, hindi na mababago ng resulta ng laban ang mga tsansa nilang makalagpas sa group stage.

Kaya naman nang tanungin ang beteranong si Billy “z4pnu” Alfonso tungkol sa naganap na harapan, nagawa niyang ihambing ito sa isang ‘showmatch’.

“Free match lang talaga ‘yon, kumbaga no bearing game lang. Parang normal lang na showmatch for RRQ pati sa Smart Omega. Para sa mga fans lang talaga, lalo na may hype na nangyayari between the teams,” paliwanag ni z4pnu.

Z4pnu: Omega vs RRQ, parang ‘showmatch’ lang
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Nagsimula ang hype na tinutukoy ng Omega player nang pag-usapan ang Mobile Legends: Bang Bang category ng 31st Southeast Asian Games, kung saan nag-uwi ang Pilipinas ng gintong medalya. 

Pinabulaanan niya ang ’10%’, na pumapatungkol sa tsansang manalo ng SIBOL, ni Setsuna “Akosi Dogie” Ignacio sa pag sabing tinatalo lang nila ang mga koponan ng Indonesia sa scrims. 

Hindi naman ikinatuwa ng mga Indonesian MLBB fans ang pahayag ni z4pnu. Gayunpaman, ipinaalala ng beteranong Pinoy na ang kanyang pahayag ay para kontrahin si Dogie at hindi para maliitin ang kakayanan ng Indonesian teams.



Samantala, nakapasok ang Smart Omega sa playoffs ng MSC 2022 matapos walisin ng RRQ Hoshi ang IDONOTSLEEP Esports. Mas mabilis kasing nanalo ang defending MSC 2022 champions kontra kinatawan ng Thailand kaya ang mga Pinoy ang naka-abante, ayon sa tiebreaker rules.

Omega dedma pa rin sa mga hero ni Alberttt, ani z4pnu

Z4pnu: Omega vs RRQ, parang ‘showmatch’ lang
Credit: z4pnu

Nagsilbing susi ang ipinamalas na husay ni Alberttt gamit ang Ling para maselyo ng RRQ Hoshi hindi lang ang unang mapa ng serye kontra Smart Omega, kung hindi pati na rin ang top seed sa Group C.

Sa sobrang lakas ng kasalukuyang kampeon ng MPL Indonesia, natapos ang 17 minutong laban nang hindi nakabasag kahit isang tore ang mga Pinoy. Nakapagtala naman ang Ling ni Alberttt ng apat na kills at limang assists nang hindi namamatay.

Bagamat hinayaan pa rin ng Barangay na mapasakamay ni Alberttt ang kanyang comfort pick sa sumunod na mapa, bigo na ang jungler mula Indonesia na maulit ang kanyang performance. Bagkus, ipinaramdam pa sa RRQ Hoshi ng Smart Omega ang matalo nang hindi man lang nakakabawas sa kanilang mga turret.

Z4pnu: Omega vs RRQ, parang ‘showmatch’ lang
Photo courtesy of MSC 2022

Nauna nang aminin ng ‘Kings of SEA’ na hindi sila natatakot sa mga jungle heroes ni Alberttt. Kaya kahit natikman na nila ang bagsik nito, nanindigan si z4pnu sa kanilang pananaw:

“Kumbaga comfort hero niya [Alberttt] ’yon [Ling], eh ‘di ang ginawa namin, binigay namin sa kanya kung talagang malakas ba talaga. Eh kaso ayun, talo pa rin.”


Nakatakdang simulan ng Smart Omega ang kanilang kampanya sa playoffs kontra Todak, ang kampeon ng MPL Malaysia Season 9. Gaganapin ito bukas, ika-14 ng Hunyo, sa ganap na ika-anim ng gabi.

Masusubaybayan ang mga laban sa MSC 2022 sa mga sumusunod na official livestreams na matatagpuan dito.

Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: BON CHAN inilahad ang sikreto ng Falcon Esports sa magilas nilang performance sa MSC 2022 Group Stage