Tinapos ng Smart Omega ang kanilang kampanya sa group stage ng MSC 2022 nang may dalawang tabla matapos tumangging magpawalis sa RRQ Hoshi.

Bumwelta ang Barangay sa ikalawang mapa ng best-of-two series kontra kampeon ng MPL Indonesia Season 9. Bagamat selyado na ang playoff spots ng dalawang koponan bago pa ang kanilang paghaharap, hindi pa rin basta-basta nagpatinag ang defending champions ng turneo.

Karina ni Raizen bumida para maitabla ng Smart Omega ang serye laban sa RRQ Hoshi

Smart Omega ipinagkait sa RRQ Hoshi ang perpektong record; Playoffs slot selyado na
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Malinis ang pagkakahimay ng RRQ Hoshi sa Smart Omega sa unang mapa ng serye. Natapos nila ang 17-minutong bakbakan nang hindi namamatay ang tatlo sa kanilang miyembro. Hindi rin nila binigyan kahit isang objective ang mga Pinoy, mapa turret man, Turtle, or Lord.

Nagsanib-puwersa ang Ling ni Albert “Alberttt” Neilsen Iskandar at Beatrix ni Schevenko “Skylar” David Tendean para maitala ang 10 sa 16 na kabuuang kills ng kanilang koponan. Ang Indonesian gold laner din ang kinilalang MVP ng mapa.

Smart Omega ipinagkait sa RRQ Hoshi ang perpektong record; Playoffs slot selyado na
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Hinayaan ulit ni Coach Jomie “P4kbet” Abalos na mapasakamay ni Alberttt ang kanyang Ling sa ikalawang mapa ng serye, pero tiniyak din niyang ang Karina naman ni Dean “Raizen” Sumagui naman ang magpapakitang-gilas.

Madaling tumalab ang kamandag ng Omega sa early game para makontrol ang takbo ng laro. Matapos ang 16 na minuto, tiniyak ng Barangay na ipatikim din sa kanilang kalaban ang pakiramdam na hindi maka-push ng turret o makakuha man lang ng Turtle o Lord.

Umambag sa pagkapanalo ng Smart Omega ang game-high 799 gold-per-minute at 95,238 damage dealt na naitala ng Wanwan ni Kelra. Kinilala naman bilang MVP ng mapa ang Karina ni Raizen matapos kubrahin ang anim mula sa 10 kabuuang kills ng kanyang koponan.

Smart Omega ipinagkait sa RRQ Hoshi ang perpektong record; Playoffs slot selyado na
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Papasok sa playoffs ang Smart Omega bilang second-seed ng Group C. Nakatakda pang ianunsyo kung sino ang makakaharap nila sa unang round ng double-elimination bracket.

Idaraos ang playoffs ng MSC 2022 simula ika-14 hanggang ika-19 ng Hunyo. Masusubaybayan ang mga laban sa mga sumusunod na livestream na matatagpuan dito.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: RSG PH lumabas na undefeated, Falcon nanggulat sa MSC 2022 Group Stage Day 1