Opisyal nang nagsimula ang pagdepensa ng Smart Omega sa kanilang titulo matapos harapin ang IDONOTSLEEP Esports sa group stage ng MSC 2022.

Magkaiba ang naging kwento sa dalawang mapa ng best-of-two series. Nagsilbing paalala kasi ang naunang laro kung gaano kalakas ang kamandag ng Smart Omega, pero napatunayan din ng pambato ng Thailand na may tulog ang mga Pinoy sa kanila.

Loysss, bumawi para sa IDNS; naitabla ang serye kontra Smart Omega

IDNS tinabla ang Smart Omega sa MSC 2022 group stage
Photo courtesy of MSC 2022

14 minuto lang ang itinagal ng IDNS sa unang mapa ng serye. ‘Di gumana ang surpresa nilang Jungle Ruby matapos silang tambakan ng Kings of SEA ng kills sa tulong ng Fanny ni Dean “Raizen” Sumagui, Karrie ni Duane “Kelra” Pillas, at Julian ni Patrick “E2MAX” Caidic.

15 mula sa 16 na kabuuang kills ng mga Pinoy ay nanggaling sa tatlong manlalaro. Samantala, tanging ang Hilda lang ni Piya “Zanri” Sriwilat ang naka-iskor sa kanilang koponan.

Kapansin-pansin din ang galawan ni E2MAX gamit ang Julian. Matatandaang hindi naging matagumpay ang hero noong unang araw ng group stage matapos itong piliin bilang jungler at gold laner, pero nagawa nila itong paganahin bilang position four.

Nasa magandang puwesto ang pambato ng Pilipinas para maselyo ang tatlong puntos matapos ang pangingibabaw sa unang mapa. Pero nag-iba ang ihip ng hangin nang si Phumin “Loysss” Inthachot naman ang humawak sa Fanny.

Nagtulong ang Thai jungler at ang Natalia ni ZanRi para IDNS naman ang manaig sa early game. Hindi naman basta-basta nagpadaig ang Smart Omega, lalo na’t kilala rin sila bilang Comeback Kings. Nagawa nilang paliitin ang lamang ng kalaban pero nauwi ang lahat sa isang Lord fight, bandang 22 minuto ng bakbakan.

Naka-Maniac ang Dyrroth ni Chaiyakrit “sunxaompak” Buangern habang bina-box out ang mga miyembro ng Smart Omega, dahilan para libreng makuha ng Fanny ni Loysss ang Evolved Lord. Hindi na nagsayang pa ng oras ang IDNS at binasag na ang base ng kalaban bago pa may makapag-respawn sa kanila.

Kinilala naman bilang MVP ng ikalawang mapa ang Fanny ni Loysss matapos magtala ng 727 gold-per-minute, ang pinakamataas na bilang sa laro, bukod pa sa limang kills at walong assists.

IDNS tinabla ang Smart Omega sa MSC 2022 group stage
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Ang tsansa ng Smart Omega na makapag-playoffs

Kung sakaling mawalis ng RRQ Hoshi, ang kasalukuyang kampeon ng MPL Indonesia, ang kinatawan ng Thailand sa kanilang paghaharap, maseselyo ng Smart Omega ang kanilang playoff spot sa MSC 2022.

Nakasaad kasi sa tiebreaker rules ng turneo na kung sino ang may mas mabilis na panalo ang makaka-abante sa playoffs. Dahil 23 minuto at 34 segundo ang kinailangan ng IDNS para manalo, sila ang malalaglag sa nasabing scenario.

Malalaglag lang ang MPL Philippines Season 9 runner-up sa group stage kung sakaling makatabla o mawalis ng IDNS ang Indonesian squad at ma-2-0 naman sila ng RRQ.

Kung sakali namang magtabla ang RRQ at IDNS, at mag-1-1 din ang score ng Smart Omega kontra sa pambato ng Indonesia, magkakaroon ng three-way tiebreaker sa kanilang grupo.

Samantala, nakatakda namang ganapin ang laban ng koponan ni E2MAX at RRQ mamaya, sa ganap na ika-anim ng gabi.

Masusubaybayan ang mga laban sa turneo sa opisyal na livestreams na matatagpuan dito.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: RSG PH lumabas na undefeated, Falcon nanggulat sa MSC 2022 Group Stage Day 1