Nangibabaw ang RSG PH at Falcon Esports sa kani-kanilang pangkat sa MSC 2022 Group Stage Day 1.

Gaya ng inasahan, dinomina ng kasalukuyang hari ng MPL Philippines ang See You Soon ng Cambodia at sister team na RSG SG ng Singapore sa Group B at lumabas na natatanging undefeated team sa unang araw ng torneo.

Sa kabilang banda, pinatunayan naman ng pambato ng Myanmar na sila ang lason sa Group A nang gulantangin nila ang powerhouse teams na Todak ng Malaysia at ONIC Esports ng Indonesia.


MSC 2022 Group Stage Day 1 recap

RSG PH pinagharian ang Group B

Credit: RSG PH

Malinis na sinimulan ng RSG PH ang kanilang kampanya nang walisin nila ang See You Soon sa likod ng matinik na Beatrix ni Eman “EMANN” Sangco sa Game 1 samantalang ang combo naman ng Karina ni Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto at Angela ni Dylan “Light” Catipon ang nagdala sa Game 2.

Bagamat naselyo na ng Raiders ang kanilang pwesto sa playoffs matapos ang 1-1 tie sa pagitan ng SYS at RSG SG, hindi pa rin sila nagpapigil na ipakita ang kanilang kalibre sa MSC 2022 Group Stage Day 1.

Ipinamalas ni Demonkite ang kanyang gilas sa Fanny habang nanatiling matalas ang Beatrix ni EMANN maging ang teamwork ng PH kings sa 27-3 pagdurog ng kanilang Singaporean counterpart sa loob lang ng 14 minuto sa Game 1. At walang bigayan na naganap sa Game 2 dahil muling nagdomina ang RSG PH sa kill score na 18-2 sa loob lang ng 13 minuto.

Nakasama naman ang RSG SG sa playoffs dahil mas maiksi ang panalo nila sa Game 1 (15:42) kontra sa panalo ng See You Soon sa Game 2 (18:11) sa kanilang bakbakan.


Falcon Esports lumipad sa tuktok ng Group A

Credit: MSC 2022

Sa MSC 2022 Group Stage Day 1 pa lang ay may upset na agad na naganap matapos pitasin ng Falcon Esports ang Game 1 win kontra sa kampeon ng MPL Malaysia na Todak sa pamamagitan ng isang malaking comeback na sinindihan ng Clint ni Silent. Pero nagawang makatabla ng hometown squad na binuhat ng Thamuz ni Wan “4Meyz” Usman sa Game 2.

Nagpasiklab ulit si Silent gamit naman ang Beatrix sa kanilang 2-0 sweep laban sa nakaraang MPL Indonesia champ na ONIC Esports. Naglista ng 17-13 win ang Falcon sa loob ng halos 19 minuto sa Game 1 at nilampaso ang ONIC sa kill score na 11-1 sa Game 2 na tumagal lang ng 12 minuto.

Nakalikom ang Falcon ng 4 points mula sa dalawang serye upang mabilis na makaarangkada sa playoffs.

Sa deciding match ng Todak at ONIC, isang miracle play lang mula sa Atlas ni Abd “Yums” Qayyum ang kinailangan ng Malaysian squad para makalusot sa playoffs at tanggalin ang Indonesian team.

Hawak ng ONIC ang 5.7K gold lead at isang tore na lang ang natitira sa Todak pero hindi sila sumuko hanggang sa gumawa ng makalaglag-pangang Fatal Links initiation si YumS sa 20-minute mark bago nila burahin ang apat sa mga dayuhan. Rumekta sa mid ang Todak, pinuksa ang natitirang kalaban na Grock at ipinako ang nakakamanghang comeback.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Kahit papaano ay napaganda ng ONIC ang kanilang nakakadismayang early exit sa pinakamalaking MLBB tournament sa SEA ngayong taon sa pamamagitan ng pagpanalo sa ikalawang laro.


Sa pagtatapos ng MSC 2022 Group Stage Day 1, apat na koponan ang pasok sa playoffs habang dalawa naman ang agad na namaalam.

Bukas magpapatuloy ang group stage tampok ang isa pang kinatawan ng Pinas na Smart Omega sa Group C kasama ang MPL ID king RRQ Hoshi at Mekong Qualifier winner IDONOTSLEEP ng Thailand.

Magsasalpukan naman sa Group D ang EVOS SG ng Singapore, Impunity KH ng Cambodia at Orange Esports ng Malaysia.

Tutukan ang mga kaganapan sa Mobile Legends Southeast Asia Cup 2022 at MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.