Pinagharian ng RSG PH ang MPL Philippines Season 9 matapos talunin ang Smart Omega sa best-of-seven grand final ng turneo sa iskor na 4-1.

Pinaslang ng tinaguriang Kingslayers ang binansagang Kings of SEA para tuldukan ng pinaka-aasam na kampeonato ang kanilang domintenteng kampanya ngayong season.

RSG PH pinangibabawan ang Smart Omega sa MPL PH S9 grand final

RSG PH ang kampeon ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines

Kalkulado ang bawat galaw na ibinitaw ng RSG PH sa buong serye. Sa unang mapa, nagpamalas ang koponan ng malinis na rotations na madaling nagpaliit sa ginagalawan ng Smart Omega. Isang hakbang parati ang lamang ng Karina ni Jonard “Demonkite” Caranto sa Balmond ni Dean “Raizen” Sumagui, dahilan para maselyo ng Raiders ang mga unang neutral objectives.

Pagdating sa team fight, si Nathanael “Nathzz” Estrologo naman ang bumuhat. Halos hindi mabawasan ng buong Barangay ang kanyang Esmeralda, dahilan para makapagtala ito ng game-high 86,317 damage dealt, kasabay ang limang kills at 12 assists nang hindi namamatay.

RSG PH ang kampeon ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kakaibang laro naman ang naganap noong ikalawang mapa ng serye. Mabilis nakapag-adapt ang Kings of SEA sa malupit na rotations at lakas sa team fight ng serye, dahilan para iwasan ng mga ito ang mga team fight at mag-focus sa mga objectives. Ang resulta, natapos ang 13 minutong laban na may dalawang kills para sa Smart Omega.

RSG PH ang kampeon ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Madali namang nakapag-reset ang Raiders mula sa naunang pagkatalo. Kakaibang disiplina ang ipinamalas ng koponan, piling-pili ang mga laban na kanilang sinusunggaban, kaya’t napilitan ang tropa nina Patrick “E2MAX” Caidic na sumunod na lamang sa dikta nito.

Gaya kung paano naging susi si Light sa mga tagumpay ng kanyang koponan noong regular season, gayundin ang nangyari sa mga natirang mapa ng serye. Mapa Chou noong ika-apat na mapa at Khufra noong ikalima, hindi nabigong magresulta sa objective o space ang rotation at initiation ng regular season MVP.

Ang Tyrant’s Revenge na nakahuli sa Yve ni E2MAX noong ika-22 minuto ng bakbakan ang nagsilbing mitsa para sa pagkapanalo ng RSG PH. Matapos nito, napatalon niya rin ang Karina ni Raizen na umaamba sana ng Retribution sa Evolved Lord.

RSG PH ang kampeon ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Isa pang Tyrant’s Revenge at Tyrant’s Rage combo bandang 24 minuto na humuli sa Phoveus ni Renz “Renzio” Cadua naman ang pumako sa kabaong ng buong Barangay. Hindi kinaya ng apat na manlalaro ang buong lakas ng Kingslayers, dahilan para isuko ng Kings of SEA sa Kingslayers ang kampeonato ng MPL PH Season 9.

Bukod sa kampeonato, mag-uuwi ang RSG PH ng higit ₱1,700,000, ang pinakamalaking bahagi ng ₱3.70 milyong prize pool. ₱1,000,00 naman ang para sa Smart Omega na nagtapos sa ikalawang puwesto.

Pareho namang magiging kinatawan ng bansa ang RSG PH at Smart Omega sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC) 2022.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kinapos mang makapasok sa MSC, Benthings ‘panalo’ pa rin!