Nabigo man ang TNC Pro Team na makamit ang inaasam na titulo sa MPL Philippines Season 9 at makapasok sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022, kampeon pa ring maituturing ang kanilang captain-roamer na si Ben “Benthings” Maglaque.

Ito’y matapos gumawa si Benthings ng nakakakilig at nakakaiyak na wedding proposal sa kanyang long-time girlfriend na si Dayen Bello sa mismong MPL PH stage sa SMX Convention Center ilang sandali lang pagkatapos ng kanilang 0-3 pagkatalo sa Smart Omega sa lower bracket finals.


Matamis na “yes” ang natanggap ni Benthings mula sa girlfriend niyang si Dayen

Benthings at Dayen
Credit: Ben Maglaque

Bago magsimula ang MPL PH Season 9 playoffs, inilahad ni Benthings na target niyang makapasok sa prestihiyosong MSC 2022 dahil pwede na umano siyang mag-propose sa girlfriend niya kapag nakapaglaro na siya sa international level.

Pero hindi na ito kinailangan ng 26-year-old breakout star ng Season 9 dahil nakatanggap pa rin siya ng isang matamis na sagot mula kay Dayen nang ibitaw niya ang kanyang linya at tanong.

“Ikaw ang trophy ko. May tanong sana ako sayo. Gusto mo ba akong samahan hanggang sa pagtanda natin?” wika ng Season 9 MVP candidate sabay luhod habang hinihintay ang sagot ng kanyang kasintahan.

Isang “yes” naman ang sambit ni Dayen at isinuot na ni Benthings ang singsing sa kanya sa gitna ng palakpakan at hiyawan ng mga tao sa venue.

Magsi-siyam na taon nang magkasintahan ang dalawa sa darating na Oktubre at naisipan ni Benthings na ngayon na ang tamang panahon para alukin ang kanyang girlfriend ng kasal.

Credit: Ben Maglaque

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa MPL PH.