Hindi naging madali ang paglalakbay ni TNC Pro team captain-roamer Ben “Benthings” Maglaque para maging isang professional Mobile Legends: Bang Bang player at ngayon ay siguradong top three finisher sa MPL Philippines Season 9.

Kaya naman may mainam na payo si Benthings sa lahat ng nagnanais na makapasok sa pro scene at makamit din kung ano man ang meron siya ngayon.


Benthings nagbigay ng ‘bentips’ sa mga aspiring pro players sa Mobile Legends

Credit: MPL Philippines

Pasok na sa upper bracket finals at sigurado na rin ang top three finish para sa No. 2 seed na TNC matapos ang kanilang pasabog na MPL PH playoffs debut kontra sa Smart Omega na nag-resulta sa isko na 3-1.

Sa panayam pagkatapos nilang ilaglag ang Omega sa lower bracket, ibinihagi ni Benthings ang kanyang maipapayo para sa mga gustong maging pro player tulad niya.

Ani ng manlalaro na madalas nabangko noong nakaraang season pero naihanay bilang Regular Season MVP candidate ngayong MPL PH Season 9, dinaan niya ang lahat sa pagtitiyaga at pagsisikap.

“Nandito ako hindi dahil magaling ako. Pinagsikapan ko ‘to. Nagsimula ako sa baba,” ani ng mapagkumbabang 26-year-old pro na kilala sa kanyang TikTok tutorials na kung tawagin ay “bentips”.

“Parang ‘yung talent bonus na lang ‘yan ‘pag napunta sa’yo. ‘Pag okay na ‘yung laro mo, isabay mo naman ‘yung attitude mo, kung paano ka makipag-teammate tapos ‘yung teamwork talaga sa ML.”

Benthings
Credit: MPL Philippines

Binigyang-diin din ni Benthings ang kahalagahan ng chemistry sa isang koponan, na siyang pinagtutuunan nila ng pansin sa TNC.

“Hindi mo kailangan ng individual skills. ‘Yung team play po talaga. ‘Yun ang pinapalakas namin,” saad ng manlalarong tubong Bataan, na bumida sa kanyang Franco sa panapos na Game 4.

Simple naman ang payo ng kanyang batang kakampi na si Mark “Kramm” Rusiana.

“Grind lang,” matipid na sagot ng 17-year-old EXP laner.


Umabante sila Benthings at TNC sa best-of-five upper bracket finals kung saan kakalabanin nila ang mananalo sa tapatan ng RSG PH at ONIC PH. Isang panalo na lang ang kailangan ng TNC para makaselyo ng grand finals spot na may kaakibat na tiket patungong Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022.

Pwede niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook upang manatiling updated sa mga kaganapan sa MPL PH Season 9 playoffs.