Malinis ang ipinakitang galawan ng TNC Pro Team sa kanilang MPL Philippines playoff debut.

‘Di alintana ng mga Phoenix ang pagwalis ng Smart Omega sa ECHO nang harapin nila ito sa upper bracket.

Naging susi sa tagumpay ng koponan ang pagpapakitang-gilas nina Ben “Benthings” Maglaque at Mark “Kramm” Rusiana para maselyo ang 3-1 na iskor at masipa sa lower bracket ang tropa nina Renz “Renzio” Cadua.


Benthings at Kramm bumida para masipa ng TNC Pro Team ang Smart Omega

Perpektong laro ang ipinamalas ng TNC Pro Team sa unang mapa ng serye. Hindi na nila binigyan pa kahit katiting na tsansa ang Smart Omega na maka-comeback matapos nilang basagin ang base ng mga ito bago pa umabot sa 10 minuto ang bakbakan.

Sa sobrang linis ng performance ng Phoenix Army, hindi man lang nakakalmot ang kanilang kalaban sa kahit aling tore nila.

TNC Pro Team hinimay ang Smart Omega sa MPL PH S9 playoffs
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Nanatiling mabagal ang sumunod na mapa pero mas nakahinga na ang Barangay matapos nilang kunin ang mga comfort heroes ng TNC. Naging epektibo rin ang mga rotation ng Khufra ni Joshua “Ch4knu” Mangilog para mapasakamay nila ang maagang kalamangan.

Sa mapang ito, napatunayan ng Smart Omega na nakapag-adapt na sila sa galawan ng kanilang kalaban. Natapos ang laban sa loob ng 13 minuto matapos isa-isang mapitas ang dalawang miyembro mula sa TNC.

Patuloy ang pag-agaw ni Coach Jomie “P4kbet” Abalos sa Karina ni Daniel “SDzyz” Chu sa ikatlong mapa ng serye. Nagmuka na ngang sapat ito para mapigilan ang pag-alab ng mga Phoenix, pero may ibang plano pala si Kramm.

Naparanas ng TNC sa tinaguriang Comeback Kings ang pakiramdam na ma-comeback-an salamat sa pagpapakitang-gilas ng Esmeralda ng kanilang EXP laner.

TNC Pro Team hinimay ang Smart Omega sa MPL PH S9 playoffs
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Muling sumandal sa Franco ni Benthings at Esmeralda ni Kramm ang TNC sa ika-apat at kalauna’y huling mapa ng serye.

Naipamalas din ulit ng koponan ang malinis at kalkuladong galawan para unti-unting maibaon ang defending Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC) champions sa pagkakadehado at ‘di mapigilang pagkatalo.

Hinirang naman na MVP sa huling laban ang Franco ni Benthings na nagtala ng halos perpektong kill participation bukod pa sa tatlong kills at siyam na assists nang hindi namamatay.

TNC Pro Team hinimay ang Smart Omega sa MPL PH S9 playoffs
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Sinelyo ng tagumpay ng TNC Pro Team ang third-place finish, na isang hakbang na lang mula sa pagkakataong maging kinatawan ng bansa sa paparating na MSC 2022.

Samantala, susubukan namang ipagpatuloy ng Smart Omega ang kanilang kampanya mula sa lower bracket.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: