Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na talagang kakaiba ang kamandag ng Smart Omega pagdating ng playoffs at muli nila itong pinatunayan nang ipukol nila ang malaking 3-0 upset sweep bilang No. 6 seed kontra sa No. 3 na ECHO sa MPL Philippines Season 9 play-ins.

Ayon sa kanilang beteranong EXP laner na si Renz Errol “Renzio” Cadua, mas nagiging seryoso ang koponan kapag dumadating na ang bahagi ng liga kung saan mas malaki ang nakataya.

At sa kasalukuyang season ng MPL PH, hangad ng Omega na makarating hanggang sa grand finals para masiguro ang kanilang tsansa na madepensahan ang kanilang titulo sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC).


Ipinaliwanag ni Renzio kung bakit lumalakas ang Smart Omega pagpasok ng playoffs

Renzio
Credit: MPL Philippines

Hindi natinag ang “Barangay Omega” laban sa super team ng ECHO kahit pa dalawang beses pa silang winalis nito sa regular season at pinakita ng kasalukuyang hari ng MSC na back to zero ang lahat pagpasok ng playoffs.

Sa unang serye ng MPL PH Season 9 playoffs, pinatunayan ng OMG na sila ang “Comeback Kings” matapos magtala ng tatlong come-from-behind victories laban sa ECHO na dinomina ang early game sa kabuuan ng serye.

Binigyang-linaw ni Renzio sa post-match interview kung ano bang meron sa kanilang koponan at bigla silang lumalakas kapag oras na ng playoffs.

“Mas focused kami ngayon. Kahit may pressure, focused kami,” saad ng 25-year-old pro na pinangalanang MVP sa huling dalawang laro at tumikada ng savage gamit ang kanyang Masha para iselyo ang panalo sa Game 2.

“Mas mataas ‘yung pressure, mas nagiging focused kami,” dagdag pa ng two-time MPL champion mula sa maalamat na Sunsparks.

Credit: MPL Philippines

Pinaliwanag din ni Renzio kung paanong nakakapagpokus pa rin sila sa laro kahit pa halos araw-araw ay isang oras lang ang kanilang tulog dahil sa masusing preparasyon ayon kay Billy “Z4pnu” Alfonso.

“Kasi po ‘pag natalo kami, mas lalo po kaming ‘di makakatulog.”

Sinabi rin beterano ng liga na mas ginanahan siyang maglaro dahil sa pagbabalik ng live audience matapos ang ilang seasons na online ang format habang closed-door naman ang setup noong regular season.

“Sa’kin po mas lalo ako na-excite (na may live audience na ulit). Na-miss ko po kasi ‘yung ganitong setup eh.”


Sunod na haharapin nila Renzio at ng Smart Omega sa playoffs ang No. 2 seed na TNC Pro Team sa isang best-of-five upper bracket semifinal match bukas sa ganap na ikaapat ng hapon.

Gaya ng head-to-head record nila kontra ECHO sa regular season, dalawang beses din silang tinalo ng koponang pinangungunahan ni Ben “Benthings” Maglaque. Pero tiwala si Renzio na mananaig ulit sila at nag-predict pa nga siya ng 3-2 panalo para sa kanila.

Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL Philippines Season 9 playoffs sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.