Malaking motibasyon ng Smart Omega sa MPL Philippines Season 9 ang pagdepensa ng kanilang korona sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC). Subalit medyo mahaba ang tatahakin nilang landas para makabalik sa prestihiyosong torneo.

Sa kabilang ng maugang kampanya sa regular season, nakasabit sila sa No. 6 seed tangan ang kanilang 18 points mula sa 6-8 series win-loss record upang makapasok sa playoffs at panatilihing buhay ang kanilang tsansa na madepensahan ang MSC title na napanalunan nila sa nakaraang taon noong parte pa sila ng Execration.

Nahirapan ang koponan na makuha ang tamang timpla sa mga unang linggo ng liga at nanganib pa ngang hindi makapasok sa post-season. Pero gaya ng taguri sa kanila na “Comeback Kings”, nagpakitang-gilas ang Barangay Omega sa dulo ng regular season at tumikada ng mga mahahalagang panalo.

Narito ang naging kampanya ng Smart Omega sa regular season ng MPL PH Season 9.


Resulta ng mga laban ng Smart Omega sa regular season

Credit: MPL Philippines

First half ng regular season

KALABANISKOR
TNC Pro Team0-2
ECHO0-2
RSG PH0-2
ONIC PH2-1
Nexplay EVOS2-1
Bren Esports1-2
Blacklist International2-1

Delubyo ang sinapit ng Smart Omega sa unang dalawang linggo ng MPL PH Season 9 matapos silang makalasap ng tatlong magkakasunod na 0-2 sweep sa kamay ng rising powerhouse teams na TNC Pro Team, ECHO at RSG PH.

Pero sinigurado ni star gold laner Duane “Kelra” Pillas na makakapitas na ng isang panalo ang kanyang koponan sa Week 4 nang silaban niya ang malupit nilang comeback laban sa ONIC PH para maitala ang 2-1 panalo. Sinundan pa nila ito ng 2-1 win kontra sa karibal na Nexplay EVOS kung saan sinabi ni captain-support Patrick “E2MAX” Caidic na mas ganado sila sa offline setup.

Bagamat natalo sa iskor na 1-2 kontra Bren Esports, bumawi naman ang Smart Omega sa pamamagitan ng 2-1 victory laban sa Blacklist International tampok ang unang savage ng MPL PH Season 9 na ipinukol ng Beatrix ni Kelra.

Second half ng regular season

MPL PH S9 Smart Omega
Credit: MPL PH
KALABANISKOR
TNC Pro Team1-2
ECHO0-2
RSG PH1-2
ONIC PH1-2
Nexplay EVOS2-0
Bren Esports2-1
Blacklist International2-0

Natalo muli ang mga bata ni coach Jomie “Pakbet” Abalos sa TNC, ECHO at RSG sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa second half ng regular season pero sa pagkakataong ito ay nakasungkit sila ng dalawang puntos. Kaso nga lang, nabawian sila ng ONIC PH sa likod ng Paquito ni Marky “Markyyyyy” Capacio.

Dahil kailangan nang manalo sa mga susunod na laban para maselyo ang pwesto sa playoffs, winalis ng OMG ang NXPE bago patumbahin ang mga mahigpit nilang kalaban para sa huling playoff spot na Bren at Blacklist sa huling linggo ng liga.


Smart Omega sasalpukin ang ECHO sa isang rematch

Smart Omega
Credit: MPL Philippines

Pinili ng ECHO na makaharap ang Smart Omega sa unang bahagi ng MPL PH Season 9 playoffs.

Magbabanggaan ang dalawang koponan sa isang grudge rematch matapos maglaban din sa playoffs ng nakaraang season kung saan nanaig ang Omega sa iskor na 3-1. Pero ibang-iba na ang sitwasyon ngayon dahil bumuo ng super team ang ECHO bago ang Season 9 at dinomina ang standings sa loob ng anim na linggo bago tuluyang malaglag sa No. 3 sa pagtatapos ng regular season.

Ang mananalo sa kanilang best-of-5 series ay aarangkada para kalabanin ang No. 2 seed na TNC sa upper bracket semifinals habang ang matatalo naman ay matatanggal na sa torneo at magtatapos sa 5th-6th place.

Nakataya sa MPL PH Season 9 playoffs ang dalawang slot ng rehiyon sa Mobile Legends Southeast Asia Cup 2022. Ang dalawang grand finalists ang papasok sa MSC 2022 na gaganapin sa isang LAN setup sa Hunyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.


Sundan ang mga pangyayari sa MPL PH Season 9 playoffs sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.