Walang namatay na miyembro, walang Turtle at Lord na naagaw, at walang turret ang na-push.

‘Yan ang mga rekados sa perfect game ng TNC Pro Team na kanilang inihain kontra Smart Omega nang muling magharap ang dalawa sa ikalimang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.


Benthings bumida sa perfect game ng TNC

Pinabulaanan ng mga Phoenix ang mga haka-hakang hindi nila kayang manalo kung hindi nila wawalisin ang kanilang kalaban matapos nilang kumpletuhin ang reverse sweep kontra defending MLBB Southeast Asia Cup champions.

Sa parehong panalo ng TNC, hinirang na MVP ang dating benchwarmer at ngayo’y superstar in the making na si Ben “Benthings” Maglaque.

Sa ikalawang mapa, sapat na ang presensiya ng roamer para magdalawang-isip ang Smart Omega na gumawa ng ano mang hakbang. Dahil dito, nabigyan niya ng space ang kanyang mga item-dependent na kakampi para makapag-farm at maitabla ang serye nang may game-high eight assists.

Perfect game ng TNC tampok sa reverse sweep kontra Smart Omega
Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Sa perfect game ng TNC, nagpakitang-gilas naman si Benthings bilang Jawhead. Natapos ang 17 minutong laro nang hindi nakapitas ni isang miyembro ang Omega. Sa walong kills na naitala ng mga Phoenix, pito dito ay involved si Benthings.

Sa kabila ng ipinakitang husay, nanatiling mapagkumbaba ang anak ng Bataan matapos aminin na hindi niya inasahang siya ang pararangalan bilang MVP matapos ang perfect game ng TNC.

Perfect game ng TNC tampok sa reverse sweep kontra Smart Omega
Credit: MPL Philippines Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

“Ang lakas po ni Chuu (SDzyz) eh, ‘yung mga tower dive niya po… ‘Di ko pa alam nambabato lang po ako sa kasapi ko eh, sila po ‘yung pumapatay,” sagot 26-taong-gulang na manlalaro matapos tanungin kung bakit siya ang hinirang na MVP ng ikatlong mapa.

Patungkol naman sa perfect game ng TNC, ibinahagi ni Benthings na na-predict daw nila ang magiging takbo ng laro base sa mga hero na pinili ng Smart Omega.

“Si Escalera po o si Chuu, dalawa po silang nagsha-shotcall,” ani Benthings nang tanungin kung sino ang nag-predict sa magiging galawan ng kanilang kalaban.


Dahil sa kanilang tagumpay, isang puntos na lang ang kailangan ng TNC para maagaw sa ECHO ang tugatog ng standings. 17 puntos ang meron sila bago harapin ang Blacklist International mamaya, ika-19 ng Marso, sa ganap na ikawalo ng gabi.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ONIC PH marami pang kailangan i-improve ngayong Season 9, ayon kina Kairi at Markyyyyy