Dinurog ng ECHO ang Omega Esports sa pamamagitan ng dominanteng 2-0 panalo para isara ang perpektong takbo nila sa opening week ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Humigit-kumulang sa 25 minuto lang ang kinailangan ng MPL PH Season 9 “super team” upang masungkit ang kanilang ikalawang sunod na sweep at samahan ang TNC Pro Team sa tuktok ng standings.


Mabilis na winalis ng ECHO ang Omega sa MPL PH Season 9 Week 1 Day 3

Credit: ECHO

Nagbalik si Kiel VJ “Kielvj” Hernandez sa starting five ng Omega Esports ngunit hindi natinag ang superstars ng ECHO sa balitang ito.

Nabansagang “Karlsuntok” noong nakaraang season, maagang pumutok ang Paquito ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa Game 1 kung saan kumana siya ng maniac kill streak sa 9-minute mark at naglista ng nakakamanghang 12-1-3 kill-death-assist stats.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Pero hindi magagawa ni Karl iyon kung hindi dahil sa matinding pagtangke ng Gloo ni Frediemar “3MarTzy” Serafico sa mga team fight bukod pa sa mabisang pag-zone out niya sa mga miyembro ng Omega sa pagkuha ng tower objectives para maipako ng ECHO ang lopsided 19-3 victory sa loob ng 15 minuto.

Pinagpatuloy ng ECHO ang kanilang nagbabagang momentum sa Game 2 at sa katunayan ay hindi pa sana makakakuha ng isang kill ang Omega sa buong laro kung hindi nag-dive si 3MarTzy (Yu Zhong) sa panapos na push.

Pinangunahan ni Jankurt “KurtTzy” Matira (Kagura) ang mainit na aggression ng super team matapos niyang talunin si Patrick “E2MAX” Caidic (Pharsa) sa mid at kumuha ng pickoffs sa tulong ni Tristan “Yawi” Cabrera (Edith). Dahil dito, nakakuha ang ECHO ng map control at nakapag-flash farm ang Aulus ni Karl na agad nakabili ng tatlong core items kumpara sa isa ng Lancelot ni Kielvj.

Tinapos ng ECHO ang laro sa 10-minute mark nang mag-dive si 3MarTzy upang mabasag nila KarlTzy ang bot inhibitor turret at tuluyang pabagsakin ang base ng Omega.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Nauna nang winalis ng ECHO ang Bren Esports para sa matagumpay na debut sa panibagong season.

Sa kabila naman ng pagbabalik ni “The King” Kielvj, bumagsak ang tinaguriang “Kings of SEA” sa bottom ng standings na may 0-2 series record (0-4 game record) sa Week 1 ng MPL PH Season 9.

Credit: MPL Philippines

Sundan ang mga kaganapan sa MPL Philippines Season 9 sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.