Naiselyo na ng ECHO, TNC Pro Team ML at RSG Philippines ang kani-kanilang playoff spots sa pagtatapos ng Week 6 ng MPL Philippines Season 9.

Bagamat isang panalo at isang talo ang nakuha ng ECHO sa nasabing linggo ay sila ang unang team na nakakuha ng spot sa MPL PH S9 Playoffs. Karugtong ito ng naganap sa Day 2 kung saan binigo ng RSG PH ang Smart Omega, 2-1 na epektibong nagpababa ng points required para makaselyo ng playoff spot.

Credits: MPL Philippines

Tinaya na 24 points ang kinakailangan ng isang team para maseguro ang kampanya sa MPL PH S9 Playoffs bago magsimula ang Week 6, gayunpaman ay bumaba ito sa 22 points matapos ang Day 2, sa kadahilanang 21 maximum points na lamang ang maaaring makuha ng OMG. Gayundin ang epekto nito para sa RSG PH at TNC na bagamat may 21 points pa lamang ay panalo kung pagbabasihan ang head-to-head kontra sa Omega.

Mas napaigting pa ang posisyon ng top 3 teams matapos parehong mawalis ang Blacklist International at Bren Esports sa Day 3 na mas nagpababa ng required points papuntang 20 points.


Hindi pa pinal ang rankings ng top 3 sa MPL PH S9 Playoffs

Credits: MPL Philippines

Bagamat nasigurado na ng tatlong koponan ang pagpapatuloy nila sa postseason ay hindi pa pinal ang pagkakasunod-sunod ng mga teams sa standings.

Mababalikang malaki ang gagampanan ng Rank 1 at Rank 3 teams sa magiging hitsura ng gaganaping MPL PH S9 Playoffs. Alinsunod ito sa pagbabagong ipinatupad sa playoff format ng Season 9 kung saan ang first seed ang magpapasya sa placement ng 3rd at 4th ranked team habang nasa kamay naman ng 3rd seed ang placement ng 5th at 6th ranked team.

Kaya naman sa huling dalawang linggo ng regular season ay maasahang mas malagkit ang dikdikan na magaganap para makuha ang malaking advantage na ito pagdaok ng MPL PH S9 Playoffs.

Credits: MPL Philippines

May natitira pang 3 games ang ECHO, habang ang TNC naman at RSG Philippines ay may tig-apat pang larong kalalahukan. May pag-asa pa rin ang ONIC Philippines at Nexplay EVOS na na makakuha ng spot sa top 3.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Kasing-lagkit ang inaasahang gitgitan sa laylayan ng standings kung saan namamalagi ang Blacklist, Omega at Bren. Mayroon na lamang tig-tatlong natitirang games ang M3 World Champions Blacklist at M2 World Champions Bren, habang ang MSC 2021 champs OMG naman ay may apat pang matches na lalaruin.

Sundan ang pinakahuling balita sa MPL sa pamamagitan ng pagsunod sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ECHO KarlTzy inamin ang dahilan ng hindi paggamit ng Jungle Demon Slayer emblem sa MPL PH S9