Ipinakita muli ni Duane “Kelra” Pillas ang kaniyang husay sa gold lane matapos tulungan ang kaniyang Smart Omega na patumbahin ang paboritong Blacklist International sa kanilang Week 4 bakbakan sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9.

Kumamada ang OMG superstar sa Game 2 hawak ang kaniyang Claude, at pagdako ng Game 3, Beatrix naman niya ang pumuksa sa pag-asa ng M3 World Champions, kasabay pa ng pagkuha ng unang Savage sa MPL PH S9.


Beatrix ni Kelra ang kumuha ng unang Savage sa MPL PH S9

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Magkasunod na MVP awards ang naselyo ng OMG gold laner sa dalawang huling laro ng serye para pagulungin ang comeback victory kontra sa kanilang karibal. Ngunit hindi lamang ang kaniyang combined 12/0/3 KDA ang nagpanganga sa mga miron na nakasaksi sa mainit na bakbakan.

Nagpabilib din ang batang pro sa isang play sa Game 3 kung saan nilapnos niya ang kabuuan ng Blacklist lineup para ilista ang unang Savage sa MPL PH S9. Matapos manalo ng Omega sa isang team fight sa ika-15 minuto ng laro, sinubukan ni Salic “Hadji” Imam sa kaniyang Pharsa na makatakas gamit ang kaniyang Wings by Wings.

Nakalayo man si Hadji sa mapa ay kakaibang prediction ang ipinamalas ni Kelra na ipinutok ang kaniyang Renner sa isang parte ng mapa para saktuhan ang landing ng kalabang midlaner.

Sa post-match interview, gayundin ang inilarawan ni Kelra tungkol sa nasabing play. “Nung una po sana nung pagkatutok ko nung sniper, babarilin ko na po sana. Kaso prine-predict ko po kung ilang segundo yung ibon kaya na-predict ko kung kailan babagsak kaya doon ko po binaril.”

Sa kill na iyon sa 15:33 bahagi ng Game 3, nakuha ng OMG star ang unang Savage sa MPL PH S9, pangalawa sa kaniyang listahan matapos mauna ring iselyo ito noong Season 7.

Tungkol naman sa pakiramdam matapos ang pambihirang highlight, aniya “Masaya po. Makaka-savage na din po kasi ako dapat nung last eh. Nung laban po namen sa ONIC. Kaso Lord po yung isa kaya ‘di counted yung savage. Tapos ngayon po naka-savage na. Sobrang saya po.”


Kelra kampanteng siya ang best Beatrix in PH

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Matapos itala ang unang Savage sa MPL PH S9, mainit naman ang iniwang salita ni Kelra sa usapin tungkol sa kung sino ang mas magaling na Beatrix player sa kanila ng karibal ni si Kiel “OHEB” Soriano ng Blacklist. Aniya, “Siyempre ako pa rin po ang pinakamagaling na mag-Beatrix sa lahat – sa buong Pilipinas. ‘Di lang po ako kasama nung M3 kaya di ako yung tinawag na ‘Filipino Sniper’.”

Mababalikan na isa sa mga signature picks ni OHEB ang Beatrix na kumamada para sa Blacklist noong M3 World Championship. Ito rin ang hero na nagdala sa kaniya sa kaniyang M3 MVP Award, kasama na ang titulong “The Filipino Sniper”.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa star matchup kontra Smart Omega ngayong Linggo, hindi naman binigo ni OHEB na patikimin si Kelra gamit ang kaniyang paboritong hero. Magilas na 7/0/2 KDA at 100% Kill Participation ang isinaksak ng BLCK gold laner kontra OMG sa Game 1 panalo.

Kaya naman si Kelra, inamin na may init na karga kapag katapat ang tinagurian din niyang “Best Gold”. Ani ng pro na nakakuha ng unang savage sa MPL PH S9, “Ako po talaga kasi gigil ako kay OHEB eh. Bawing-bawi po ako eh. Gigil din po kasi siya sa akin eh.”

BASAHIN: MP the King may mensahe sa mga nagkukumpara sa kanila ni H2wo