Nagpakitang-gilas si rookie jungler Michael “MP the King” Endino sa kanyang on-site debut para matulungan ang Nexplay EVOS na maselyo ang 2-1 panalo laban sa TNC Pro Team at maka-bounce back sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Sa laro ng NXPE sa Week 4 Day 2 ng liga, pinalitan ni MP the King si John Paul “H2wo” Salonga na naglaro sa 1-2 pagkatalo ng koponan sa kamay ng Smart Omega noong nakaraang linggo.

Nagtala ang former amateur star mula AP Esports ng 5/1/5 KDA gamit ang Lancelot sa 15-3 dominasyon ng NXPE kontra TNC sa Game 1. At pagkatapos matalo sa Game 2, bumawi siya sa kanyang Karina sa huling laban sa pamamagitan ng pagtala ng 5-1-8 K/D/A sa 18-8 win.

Baguhan pa lang pero malaki na agad ang impact ni MP the King para sa NXPE kaya naman marami ang ipinapagkumpara sila ni H2wo na miyembro na ng koponan mula pa noong Season 6.


MP the King sinabing hindi lang pabor ang meta ngayon sa playstyle ni H2wo

MP the King
Credit: MPL Philippines

Hindi maiwasan ng ilang fans ng Nexplay EVOS maging ng MLBB pro scene sa Pinas na ipagkumpara sina MP the King at H2wo sa gumugulong na MPL PH Season 9.

Sa tig-tatlo kasing serye na nilaro nila ngayong season, nagwagi sa lahat ang rookie jungler habang isang beses lang nanalo ang kanyang senior.

Pero ayon kay MP the King, mas swak lang talaga ang playstyle niya sa meta at laro ngayon ng NXPE. Binigyan niya pa nga ng credit si H2wo sa magandang pinapakita niya sa kanyang rookie season.

“Para sa’kin po parehas kaming malakas ni H2. Sadyang magkaiba lang kami ng playstyle. Mas pabor lang talaga ‘yung playstyle ko ngayon sa mga laro namin,” saad niya sa panayam matapos ang panalo kontra TNC.

“Pero ‘di ko masasabi na mahina talaga si H2 kasi dun ako kay H2 natutong lumakas. Kaya isa siya sa mga rason kung bakit sobrang confident ako sa laro ko kasi palagi niya ko chini-cheer up at palagi niya ko tinutulungan sa mga bagay-bagay,” dagdag pa niya.

Credit: MPL Philippines

May mensahe rin ang 17-year-old Ilonggo sa mga taong pinagkukumpara silang dalawa ni H2wo.

“Kaya ang masasabi ko lang sa mga nagco-compare sa’min ni H2 na hindi lang talaga pabor kay H2 ngayon. Hintayin niyo lang ‘pag ‘yung meta mag-shift ulit kay H2 mag-i-step ulit ‘yan nang sobra-sobra.”


Kung mananatili si MP the King sa starting five, makakaharap niya ang M2 MVP na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno at ang “super team” ng ECHO bukas sa ganap na ika-8 ng gabi.

Inaasahang magiging mainit ang bakbakang NXPE vs ECHO dahil bukod sa makakalaban ni Tristan “Yawi” Cabrera ang dati niyang koponan, gigil din ang ECHO na makabawi matapos malasap ang kanilang unang talo ngayong season sa kamay ng ONIC PH.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa karagdagang balita patungkol sa MPL Philippines at Mobile Legends sa kabuuan.