Sa hinaba-haba ng karera ng beteranong EXP laner ng ONIC PH na si Gerald “Dlarskie” Trinchera, sa gumugulong na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 pa niya narasan ang pinakamalupit niyang laban.

Ang tinutukoy ni Dlarskie ay ang makapigil-hiningang serye sa pagitan ng ONIC at ECHO sa unang araw ng Week 4. Nagbanggaan ang dalawang koponan sa pinakamaaksyong laban sa ngayon sa Season 9 pero sa dulo ay nagawang madungisan ng M3 World Championship runners-up ang kartada ng tinaguriang “super team”.

“Feel ko ayun ‘yung pinakamatindi kong laban talaga eh. Bakbakan talaga,” pag-aamin ni Dlarskie sa interview matapos ang kanilang kapana-panabik na 2-1 reverse sweep victory.

“Sa tinagal-tagal ko sa MPL, ‘yun ‘yung favorite kong laban,” dagdag pa ng 22-year-old pride ng Manila na sinimulan ang kanyang MLBB professional career sa MPL PH Season 4.

Maging ang kanilang star jungler na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol ay masaya sa sagupaang ONIC PH at ECHO.

“Ang gandang laban kasi parehong team binibigay ang lahat. Walang kinakabahan. Kumbaga, walang takot mamatay, walang takot mag-go. Nabigay ng lahat ng players ‘yung all nila, ‘yung lahat ng na-practice nila,” ani Kairi.


Pinaghandaang maigi ni Dlarskie ang ONIC PH vs ECHO

Dlarskie
Credit: MPL Philippines

Inamin ni “The General” ng ONIC PH na “chill-chill” lang siya pagkatapos ng kanilang mga scrim pero iba ang linggong ito lalo na’t makakaharap nila ang undefeated na ECHO kaya naman “nagbatak po ako.”

“Lumabas po talaga ‘yung passion ko sa ML. Pinaghandaan ko po talaga ‘tong week na ‘to,” sabi niya.

Sa Game 1 pa lang ay bakas ang matinding preparasyon ni Dlarskie maging ng buong koponan ng ONIC nang magpakita sila ng napaka-agresibong laro sa early to mid game, na karaniwang ginagawa ng ECHO sa kanilang mga nakaraang laban.

Subalit kinapos ang MPL PH Season 8 silver finishers na tapusin ang laro at tuluyang kinuha ng ECHO ang 28-minute comeback win sa serye matapos burahin ang maagang 8k gold lead at 68% real-time win rate ng ONIC sa 16-minute mark sa likod ng rumaragasang Phoveus ni Benedict “Bennyqt” Gonzales.

Credit: MPL Philippines

Bumawi ang ONIC sa Game 2 nang patikimin nila ang ECHO ng sarili nilang medisina sa pamamagitan ng pagkuha ng Johnson-Kadita double roamer strat, na ginamit ng ECHO kontra Blacklist International noong Week 2.

Sa huli ay itinanghal na MVP ng laro si Dlarskie sa kanyang Esmeralda na nag-sustain sa kanyang koponan sa early game at nagsilbing taga-kalap ng info sa mapa upang ma-target ng Johnson ni Allen “Baloyskie” Baloy si ECHO jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno (Aulus).

Credit: MPL Philippines

Nakuha ng ECHO ang kalamangan sa deciding Game 3 at napipisil na ngang makuha ang panalo matapos nilang makuha ang Luminous Lord.

Pero sa huling clash, pinangunahan ni Dlarskie sa kanyang Uranus ang matibay na base defense ng ONIC habang inubos naman nila Kairi (Helcurt) at iba niyang mga kakampi ang apat sa ECHO para maipako ang serye.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Umangat ang ONIC sa No. 4 spot ng MPL PH Season 9 standings hawak ang 4-2 series record at 10 points.

Samantala nalasap ng ECHO ang kanilang unang talo matapos ang mainit na five-game winning streak pero nanatiling nasa tuktok tangan ang 15 points.


Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL Philippines at MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.