Tinuldukan ng Smart Omega ang pag-asa ng ECHO na masungkit ang kampeonato ng MPL PH Season 9 matapos nila itong walisin, 3-0, sa play-ins.

Nagsalitan sa pagpapakitang-gilas sina Duane “Kelra” Pillas at Renz “Renzio” Cadua para mawalis ng kanilang koponan ang mga orca at maka-abante sa upper bracket ng playoffs at mapanatiling buhay ang kanilang kampanya na depensahan ang titulo sa darating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC) 2022.

Smart Omega, in-eliminate ang ECHO sa MPL PH S9 play-ins

Smart Omega winalis ang ECHO sa play-ins ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines

Lumipad ang Wanwan ni Kelra sa unang mapa ng best-of-five. Na-etsa-puwera ng pagpapakitang-gilas ng gold laner ang paggamit sa wakas ni KarlTzy ng Jungle emblem sa kanyang Karina.

Walang may hawak ng tiyak na kalamangan hanggang sa mapitas ni ‘The Filipino Savage’ ang tatlong miyembro mula sa tropa ng ECHO bandang ika-siyam na minuto ng bakbakan. Dito na nagtuloy-tuloy ang pag-arangkada ng Barangay hanggang sa maselyo nila ang pagkapanalo.

Smart Omega winalis ang ECHO sa play-ins ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Nagpatuloy ang pamamayagpag ng Wanwan ni Kelra sa ikalawang mapa ng serye, bagamat nanatiling dikit ang laban. Nagkaroon ng pagkakataong mabaliktad ng mga orca ang takbo ng laro matapos ma-steal ng Xavier ni Jankurt “KurtTzy” Matira ang Evolved Lord noong ika-19 minuto ng laro.

Pantay na sana ang tsansa ng parehong koponan, kung hindi lang nag-asim ang Dyrroth ni KarlTzy. Dahil sa mas mahabang death timer, mas madaling nakapwesto ang Blue side sa may Lord pit. Natulak ng Smart Omega sa match point ang serye matapos maka-Savage ang Masha ni Renzio.

Smart Omega winalis ang ECHO sa play-ins ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Ibang klaseng ECHO naman ang nagpakita sa ikatlong mapa ng serye. Hindi lang kasi muling gumamit ng Jungle emblem ang M2 World Championship MVP, dahil naglabas din siya ng Balmond.

Mukang maiiwasan ng mga orca ang pagkakawalis matapos nilang mangibabaw sa early game. Pero iba pa rin talaga ang lason ng Smart Omega, lalo na sa entablado ng playoffs. Nagawa nilang depensahan ang pagpasok ng ECHO sa high ground, na naging mitsa para sa kanilang pagbawi.

Matapos maselyo ang Evolved Lord bandang 22-minuto, kinumpleto na ng Barangay Omega ang pagwawalis sa tinaguriang super team.

Natapos sa 5th-6th place ang kampanya ng ECHO at mag-uuwi sila ng higit ₱128,000. Samantala, aabante naman ang Smart Omega para harapin ang TNC Pro Team sa upper bracket ng playoffs.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Playoff Power Rankings ni Wolf: Ito ang tantiya ng analyst tungkol sa MPL PH S9 postseason